February 13, 2026 | 12:00am
MAY mga gabi sa NAIA na mas mabigat pa sa kargamento ang hangin.
Tahimik ang runway, maingay ang forklift. Isa-isang binababa ang kahon electronics, branded na damit, piyesa, high-value consumer goods. Sa papeles, mababa ang declared value. Sa loob ng kahon, ibang istorya. Dito nagsisimula ang laro. Hindi raw ito simpleng “pang-merienda.” Ang sabi ng ilang nasa industriya, may presyuhan kada kilo. Oo, kilo-kilo ang tara ng konsensiya para makalabas ang shipment sa bodega. Mas mabigat ang kargamento? Mas mabigat ang “usap.” Mas malaki ang diperensya ng deklarasyon? Mas malaki ang “ayos. Mas gusto mong mabilis ang release? May presyo ang bilis. Kapag kumpleto ang basbas, tuluy-tuloy ang galaw. Mula dokumento, inspeksyon, hanggang gate parang may invisible green light. Walang nakikita. Walang naririnig. Parang biglang nagiging bulag ang sistema. Pero kapag wala kang “linya”? Maiipit ang papeles. Hahanapan ka ng butas. Titigil ang container mo sa bodega. Araw ang bibilangin mo sa storage habang nalulugi ang negosyo mo. Hanggang sa mapilitan kang magtanong kung sino ba talaga ang dapat kausapin.
Ganito raw ang umiikot na kuwento: may under value. May misdeclaration. May presyuhan na hindi nakasulat sa taripa kundi sa kilo. Hindi ito bahagi ng batas. Hindi ito nasa manual. Pero ayon sa mga sumbong, ito ang hindi opisyal na “rate” ng katahimikan. At kung totoo ang ganitong galawan, hindi ito kayang gawin ng iisang tao lang. May chain. May pumipirma. May nag-iinspeksyon. May nag-aapruba. May nakaupo sa opisina. Kapag nagkakaintindihan ang lahat, smooth ang exit. Kapag hindi, biglang istrikto ang batas. Ito ang masakit bawat pisong nababawasan sa tamang buwis ay direktang kaltas sa kaban ng bayan. Habang ang mga negosyanteng sumusunod sa tamang proseso ay nagbabayad nang buo, may iba raw na may fast lane basta may pambayad kada kilo. Kaya hindi nawawala ang problema. Hindi ito simpleng may pasaway. Kung may umiiral mang “kilo-kilo” na presyuhan, ibig sabihin may sistemang nasanay sa kinang ng pera. At kapag ang sistema ang nasanay, ang katahimikan ay nagiging kasabwat. Hindi sapat ang reshuffle. Hindi sapat ang press conference. Hindi sapat ang pangakong “iimbestigahan.”
Kung seryoso ang pamunuan sa paglilinis, dapat may konkretong hakbang. Random at independent valuation audit laban sa tunay na market data. Full digital trail ng shipment na hindi kayang galawin nang walang footprint. Regular lifestyle check sa mga nasa sensitibong posisyon.
Proteksiyon sa mga insider na handang magsalita Dahil kung may presyuhan kada kilo sa paglabas ng shipment, malinaw na hindi ito tsismis-level na problema. Ito ay indikasyon ng kulturang kailangang putulin hanggang ugat. Ang mas mabigat na tanong: may political will ba para gawin iyon? Ang liderato ang may hawak ng scalpel. Kung talagang seryoso sa paglilinis, hindi cosmetic surgery ang kailangan—kundi operasyon hanggang buto. Dahil bawat container na lalabas sa gate na may bahid ng duda ay hindi lang usapin ng negosyo. Usapin ito ng tiwala. Sa huli, hindi ito laban ng importer laban sa customs. Ito ay laban ng publiko laban sa kulturang posibleng nagpapabigat sa kaban ng bayan. Kapag kilo-kilo ang tara ng konsensiya, ang talo ay hindi lang ang sistema. Ang talo ay ang Pilipinong nagbabayad nang tama.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay isang opinion piece batay sa mga impormasyong ipinaparating ng mga source at obserbasyon sa umiiral na sistema. Ang mga nabanggit na isyu ay nangangailangan ng pormal at masusing imbestigasyon ng mga kinauukulan. Wala itong layuning manira o magparatang laban sa sinumang partikular na indibidwal o opisyal, at iginagalang ang karapatan ng lahat sa due process at patas na pagdinig.