February 21, 2026 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pitong katao ang nasawi nang maganap ang landslides sa magkahiwalay na lugar sa Davao Oriental at Davao de Oro dulot ng paglambot ng lupa sa lugar sanhi ng patuloy na pag-ulan doon dulot ng shearline.
Sa isinagawang rescue operations sa naganap na landslide sa isang bahay sa Barangay Salazar, Mati City, Davao Oriental kahapon ng umaga, apat na miyembro ng pamilya nito ang natagpuang patay. Ang apat ay kinabibilangan ng isang mag-asawa at kanilang dalawang anak na may edad 5 at 13.
Sinasabing ang bahay ng mga biktima ay nasa downtown area pero nasa likod nito ang dalisdis na gumuho.
Tatlong katao naman ang namatay sa landslide sa Barangay Rizal, Monkayo, Davao de Oro nitong Huwebes ng gabi. Maraming kabahayan din dito ang nasira dulot na rin nang mga pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa walang puknat na pag-ulan. Ilang pamilya rin ang inilikas sa mga evacuation center simula nitong Huwebes.
Ang bahagi naman ng daanan sa Purok 7, Brgy. Kiokmay sa Laak, Davao de Oro ay gumuho.