February 24, 2026 | 12:00am
Dear Dr. Love
Isa po akong masugid na tagasubaybay ng inyong kolum at ngayon ay ako naman po ang lumalapit para humingi ng payo.
May nobya po ako at mahal na mahal namin ang isa’t isa. Ilang taon na rin po kaming magkasintahan at pareho na kaming nasa tamang edad para magpakasal. Pero sa tuwing napag-uusapan ang kasal, tila ba may humahawak sa amin pabalik.
Pareho po kasi kaming breadwinner sa aming mga pamilya. Ako ang sumusuporta sa aking mga magulang at mga kapatid, lalo na’t may dalawa pa akong nag-aaral. Siya naman po ay tumatayong pangalawang magulang sa kanilang bahay dahil may sakit ang kanyang ama at umaasa sa kanya ang mga kapatid niya.
Gusto na po sana naming bumuo ng sariling pamilya, pero kapag iniisip namin ang gastusin sa kasal at ang magiging buhay namin pagkatapos nito, natatakot kami. Selfish ba kami na unahin ang sarili naming kaligayahan? O tama lang ba na maghintay muna hanggang maging maayos ang lahat? Pero kailan po ba magiging maayos ang lahat?
Nald
Dear Nald,
Una sa lahat, saludo ako sa inyo. Hindi lahat ng kabataan ngayon ay handang akuin ang res-ponsibilidad ng pagiging breadwinner.
Ngunit tandaan ninyo ito, ang pag-aasawa ay hindi pagtakas sa responsibilidad, pero kailangan ninyong maunawaan na kapag kayo ay nag-asawa, ang una at pangunahing responsibilidad ninyo ay ang isa’t isa at ang magiging pamilya ninyo.
Hindi kailangang engrande ang kasal. Ang mahalaga ay ang kahandaan. Ang tunay na pag-ibig ay hindi lang puro damdamin—ito ay may kasamang disiplina, pagpaplano, at sakripisyo.
DR. LOVE