7 karnaper, nadakip sa Cavite


CAVITE, Philippines — Matapos ang 10 minutong habulan, nasukol ang 7 karnaper matapos mambiktima ng isang babae at tangayin ang mamahaling motor nito, kamakalawa sa Brgy Santol Tanza, Cavite.

Nahaharap sa patung-patong na kaso ang mga suspek na kinilala sa mga alyas “Leo”, 35; “Mark”, 37; “John”, 35; “Alex”, 35; “Zarah”, 31. Naaresto rin sa follow-up ang 2 pang suspek na sina alyas “Dimasar” at alyas “Nilo”.

Sa nakalap na ulat mula sa tanggapan ni Cavite Provincial Director Police Col Ariel R Red, alas-3 ng madaling araw nang biktimahin ng mga suspek ang isang 33-anyos na babae na kinilala sa alyas “She”.

Agad nakapag-report sa pulisya ang biktima na agarang natunton ang grupo sa Brgy. Santol. Subalit sa halip na sumuko ay tumakas ang mga ito. Nakorner naman ang mga suspek sa Brgy. San Juan 2 ng nasabi ring lungsod.

Nabawi ang motor ng biktima habang narekober din sa mga ito ang hand grenade, 1 cal .357 smith at wesson revolver.