Lalaking angkas sugatan
MANILA, Philippines — Patay ang isang rider habang sugatan ang angkas nito makaraang aksidenteng mabagsakan ng nabuwal na poste ng kuryente habang bumabagtas sila sa kahabaan ng highway sa Brgy. Sagana, Bongabong, Oriental Mindoro nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ni Ormeco General Manager Engineer Humphrey Dolor ang nasawing biktima na si Ryan Philip Jamilla, 23-anyos ng Brgy. Orcunoma sa bayan ng Bongabong.
Ang backrider ni Jamilla ay nasugatan naman sa insidente na mabilis na isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Sa report ng Bongabong Police, bandang alas-5:50 ng hapon habang bumabagtas ang motorsiklong minamaneho ni Jamilla lulan ang backrider nito sa kahabaan ng Strong Republic Nautical Highway sa Crossing ng Brgy Sagana nang mangyari ang trahedya.
Ang mga biktima ay galing sa kalapit na bayan ng Roxas nang bigla na lamang mabuwal ang poste ng kuryente na aksidenteng sumapol sa nasabing rider na siyang dagliang kumitil sa buhay nito habang sugatan naman ang angkas.
Nabatid na ang insidente ay nagresulta rin ng blackout sa 31 barangay sa Bongabong at naibalik lamang ang supply ng kuryente bandang alas-6:24 ng gabi ng nasabi ring araw.