Pagpapa-DNA test ni Coco sa anak ng dating sexy star, nakumpirma


Ahh ibang-iba na ang hitsura ng dating sexy star na si Katherine Luna na nag-claim noon na nabuntis ni Coco Martin, nung nagkatambal sila sa isang indie film.

Pero napatunayan sa DNA na hindi totoo ang mga sinasabi niya.

Sa vlog ni Julius Babao, inamin nito in a nutshell, na ang akala niya ay si Coco ang ama nung nabuntis siya. Na in all fairness nang sabihin daw niya na baka ang aktor ang ama, bumili pa raw ito ng crib bago siya nanganak.

Hanggang ipanganak na niya si Nicole at habang lumalaki na ang baby, dito raw niya naramdaman na parang hindi si Coco ang ama.

“Siyempre, nanay ako, bilang nanay, makikita mo ‘yung mukha, eh. Parang hindi niya kamukha. Parang nag-iiba ‘yung mukha ni Nicole.

“Tapos nabuo sa isip ko na… du’n na ako naano na hindi, hindi siya ang ama. Ang hirap na lang bawiin, alam mo kung bakit? Unang-una, merong bata, eh. Anak ko kasi ‘yung pinag-uusapan, eh,” pagbabalik-tanaw ni Katherine.

Hanggang hindi na raw sila nagkita pa ni Coco.

Pero nung nakapanganak siya, nakukuha-kuha pa raw ni Coco ang bata at doon na ito napa-DNA na ang resulta nga raw ay negatibo.

Kaya’t nagkaalaman din ng katotohanan. Bagama’t nalaman daw niyang tinanggap ng kanyang ina ang binigay na pera ng actor.

“Pero ito, nililinaw ko, ha, nu’ng pagkapanganak ko, wala maski piso akong hininging pera. Hindi ako nanghingi sa kanya ng pera, hindi rin siya nagbigay ng pera. Maski piso, maski kusing, hindi.”

Sa huli ay sinabi niyang hiyang-hiya siya sa aktor.

“Sobrang hiyang-hiya ako. Kung anuman ‘yung mga nasabi ko dati, sana, balang araw, mapatawad mo ako,” mensahe niya sa dating boyfriend.

Dagdag pa niya : “Sorry, kasi nagkamali ako. Dala ng kabataan, dala ng mga maling nagawa ko noon, pati ikaw, nagulo ‘yung buhay mo. Humihingi ako ng dispensa. Sana mapatawad mo ako balang araw,” dagdag pa ng sexy star na may mga napanalunan ding award that time.

Matatandaang nabigyan siya ng big break nang maging bida siya sa pelikulang Babae sa Breakwater kung saan ay tatlong beses siyang hinirang na Best Actress sa iba’t ibang award-giving bodies.

Pero biglang nabuntis noon kaya nagbabu rin ang career.

Hindi noon nagsalita si Coco.

Tulungan kaya siya ng actor na tinutukan pa rin ng audience ang maaksyong episode ng FPJ’s Batang Quiapo kung saan nagtala ito ng mahigit 12 milyon total views sa YouTube sa loob lamang ng dalawang araw. Record-breaking din ang episode dahil mahigit isang milyong Pilipino ang sabay-sabay na nanood sa Kapamilya Online Live sa YouTube na may 1,004,554 all-time high peak concurrent viewers.

Ito ang unang beses na umabot sa isang milyon ang sabay-sabay na tumutok sa serye sa pamamagitan ng naturang livestream. Ito rin ang ika-apat na magkakasunod na gabi kung saan nagtala ang serye ng lampas 800,000 live concurrent viewers.