MANILA, Philippines — Ang masingitan ng No. 11 Capital1 Solar Energy ang iiwasan ng No. 2 Petro Gazz sa kanilang knockout match sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Magtutuos ang Gazz Angels at ang Solar Spikers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng No. 5 Choco Mucho Flying Titans at Chery Tiggo Crossovers sa alas-6:30 ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Swak sa best-of-three quarterfinals series ang No. Creamline at No. 10 Galeries Tower matapos talunin ang No. 12 Nxled at No. 3 Cignal HD, ayon sa pagkakasunod.
Sumasakay ang Petro Gazz sa isang nine-game winning streak sa pagsagupa sa dehadong Capital1.
“It doesn’t matter that we won 10 games—it’s basically a clean slate, and everyone is gunning for the top,” ani Gazz Angels star Brooke Van Sickle.
“We have to embrace the pressure, take every single rep seriously, and continue pushing each other while holding each other accountable,” dagdag ng Fil-Am sa pagharap nila sa Solar Spikers.
Ang anim na tropang mananalo ang sasampa sa best-of-three quarterfinals series.
Sasalang naman ang mga matatalo sa play-in tournament kung saan nakataya ang huling dalawang tiket sa quarterfinals.
Makakatuwang ni Van Sickle sa Petro Gazz si Myla Pablo, Aiza Pontillas, MJ Phillips at Jonah Sabate katapat sina Leila Cruz, Des Clemente-De Guzman at Shola Alvarez ng Capital1.