Dayo nag-amok, nanaksak: 4 sugatan


DEL GALLEGO, Camarines Sur, Philippines — Sugatan ang apat na katao kabilang ang ilang opisyal ng barangay matapos na mag-amok at manaksak ang isang dayong lalaki sa kahabaan ng Andaya National Highway sa Brgy. Comadaycaday ng bayang ito, kamakalawa ng gabi.

Duguang isinugod sa pagamutan ang mga biktima na kinilalang sina Michael Marcial, 50-anyos, chief tanod; Pastor Buates, 46-anyos, barangay kagawad; Ferdinand Estremera, 50-anyos, tanod; at Jeffrey Mariano, 31-anyos; pawang residente ng naturang barangay. ­Arestado naman at kasamang isinugod sa ospital ang suspek na kinuyog ng mga tumulong na motorista na si Bonifacio Maglente, 39-anyos, residente ng Sitio Spillway, Brgy. Binahaan, Pagbilao, Quezon.

Sa ulat, dakong alas-8:25 ng gabi sa hindi malamang dahilan habang armado ng patalim ay biglang nag-amok ang suspek na si Maglente at wina-wasiwas nito ang patalim sa mga dumadaang motorista.

Agad rumesponde ang mga barangay ta­nod, kagawad at isang residente pero agad silang sinalubong at pinagsasaksak ng suspek.

Mabilis namang sumaklolo ang mga motorista at dinumog ang suspek kaya matagumpay siyang nagupo, naposasan at nadis-armahan ng patalim.

Magkakasabay na isinugod ng ambulansya mula sa MDRRMO-Del Gallego ang mga duguang biktima pati na ang nakaposas na suspek patungo sa Maria Eleazar General Hospital sa Tagkawayan, Quezon.

Gayunman, habang binabagtas ng ambulansya ang kahabaan ng highway patungong hospital ay nagawa pa umanong kalagin ng suspek ang posas na pag-aari ng biktimang kagawad at nagawang basagin ang door glass panel ng sasakyan saka siya tumalon habang tumatakbo.

Sa kabila nito, mabilis naman na naarestong muli ang suspek ng mga humabol na pulis at dinala sa pagamutan.