Bounce-back win ng Warriors | Pilipino Star Ngayon


CHARLOTTE, N.C. — Nagkadena si Stephen Curry ng 21 points at 10 assists sa kanyang annual homecoming game para gabayan ang Golden State Warriors sa 119-101 pagdaig sa Hornets.

Kumonekta si Curry, lumaki sa Charlotte at naglaro sa Davidson College, ng tatlong three-pointers para sa Golden State (33-28) na nagmula sa kabiguan sa Philadelphia 76ers.

Umiskor si Buddy Hield ng 22 points  habang naglista si Brandin Podziemski ng 19 points at 10 rebounds at tumipa si Draymond Green ng 16 points at 13 boards.

Pinamunuan ni Miles Bridges ang Charlotte (14-46) sa kanyang 35 points  kasunod ang 25 markers ni LaMelo Ball.

Matapos makalapit ang Hornets sa three-point deficit sa dulo ng third period ay kumonekta si Hield ng back-to-back triples kasunod ang tres ni Jimmy Butler para muling itala ng Warriors ang double digit lead sa fourth quarter.

Sa Oklahoma City, kumamada si Shai Gilgeous-Alexander ng 51 points para ihatid ang Thunder (50-11) sa 137-128 paggupo sa Houston Rockets (37-24).

Sa Dallas, umiskor si Zach LaVine ng 22 points at may 20 markers si DeMar DeRozan sa 122-98 panalo ng Sacramento Kings (32-28) sa Mavericks (32-30).

Sa Salt Lake City, kumolekta si Cade Cunningham ng 29 points, 9 assists at 4 steals sa 134-106 pagbaklas ng Detroit Pistons (35-27) sa Utah Jazz (15-46).