Back-to-back wins ng Super Spikers


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 26, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Kasabay ng debut ni Slovenian import Katrin Trebichavská at kaarawan ni Erika Santos ay ang paghataw ng Cignal sa ikalawang sunod na panalo sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.

Humataw sina Trebichavská at Santos ng tig-21 points para banderahan ang Super Spikers sa 25-21, 23-25, 20-25, 25-15, 16-14 paglusot sa Nxled Chameleons kahapon sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.

Nauna nang umiskor ang Cignal ng 25-17, 25-22, 25-21 pagwalis sa PLDT bagama’t hindi na pinaglaro si Greek import Eva Chantava noong Martes.

“Hopefully, iyon nga makapag-adjust at maibi­gay din namin kung ano iyong kailangan niya. For sure kasi maibibigay din niya kung ano ang kaila­ngan namin,” ani Shaq de­los Santos sa 25-anyos na si Trebichavská.

Pinaganda ng Super Spikers ang kanilang kartada sa 2-2 sa Pool A at inihulog ang Chameleons sa 0-4 marka.

“I’m super glad that we won. For me it was a great performance and I hope to help the team in the future,” sabi ni Trebichavská.

Ang hataw ni Spanish spiker Paola Martinez ang nagdala sa Nxled sa match point, 14-13, bago itinabla ni Trebichavska ang Cignal sa 14-14.

Matapos ang net ball ni Martinez sa posesyon ng Nxled ay nakaiskor si Roselyn Doria-Aquino para selyuhan ang panalo ng Cignal.