Napapanood na tuwing gabi ang Saving Grace: The Untold Story sa TV5, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, iWantTFC at TFC. Pinagbibidahan ang serye nina Sharon Cuneta, Julia Montes, at ang batang si Zia Grace na unang napanood sa Amazon Prime Video. Kahit baguhan pa lamang sa show business ay talagang napahanga umano si Sharon kay Zia dahil sa pagiging magaling na child actress. “Napakalambing ng bata, napaka-clingy. Siya talaga ‘yung after a scene, yayakap agad ‘yan, kakandong. Parang mga anak mo no’ng maliit pa. Magandang paggabay ng mga magulang niya sa kanya. Kami unang nakasama, tapos nakita namin ‘yung pinuhunang emotions niya. Sabi nga namin, hindi namin alam kung saan niya dinudukot. Kasi all the nuances are all hers. Magaling talaga siya to begin with,” nakangiting pahayag ni Sharon sa ABS-CBN News.
Maglilimang dekada nang aktibo ang nakilalang Megastar sa industriya. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay nangangarap si Sharon na makagawang muli ng isang makabuluhang pelikula na kasama sina Judy Ann Santos at Piolo Pascual. “Sa boys si Piolo, kasi dati may binring up sa akin na idea sina Deo (Endrinal) at Tita Cory (Vidanes) or sabay, may iba pang nakalinya. And I’d love to work with Judy Ann. ‘Yon nga ‘di ba, pero hindi na pwedeng triangle,” pagbabahagi ng aktres.
Para kay Sharon ay maganda na ang mga kaibigan ang nakakatrabaho sa paggawa ng isang magandang proyekto. “At this stage, hindi na ako sa karera. Tapos na ako doon. At this age, you have more freedom and you can be choosy. Parang mas mahalaga sa akin na makatrabaho ko ‘yung mga kaibigan ko na. Matagal ko nang kilala at ‘yung parang masayang pumunta sa set,” makahulugang paliwanag ng Megastar.
Kylie, masaya sa bagong love life
Bilang isang ina ay masaya at proud si Kylie Padilla para sa achievement ng mga anak na sina Alas at Axl sa eskwelahan. “My kids are really doing well in school. They’re both with honors. So ang saya lang,” bungad ni Kylie sa 24 Oras.
Taong 2018 nang magpakasal sina Kylie at Aljur Abrenica. Pagkalipas ng tatlong taon ay nakumpirmang nagkahiwalay na ang mag-asawa. Ngayon ay masaya nang muli ang buhay pag-ibig ni Kylie. “Yes, masaya din. Nag-Valentine’s ako sa Japan. Basta masaya, very grateful ang puso ko,” natatawang pagtatapat niya.
Samantala, isang bagong serye ang pinaghahandaan nang gawin ni Kylie ngayon. Ayon sa aktres ay talagang marami siyang matututunan sa bagong karakter sa bagong proyekto na kukunan pa umano sa labas ng bansa. “I’ve never been there and I travel a lot. So excited akong makita. Marami akong gustong gawin sa city na ‘yon. I’m very excited kasi I’m always ready to learn new things. Gagalingan ko talaga. I’m very excited for you guys na malaman n’yo ‘yung story and mapanood n’yo,” pagtatapos ng Kapuso actress. — Reports from JCC
