Naloka ako sa isyu ng tanim-bala sa NAIA ha.
May ganun ba ulit?
Nabasa ko na inakusahan ng isang 69-anyos na babae ang mga security personnel sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 na sinubukan diumano siyang biktimahin sa pamamagitan ng tanim-bala modus, kaya muntik na raw siyang maiwan ng flight papuntang Vietnam.
Ayon sa nabasa kong post ng isang Ruth Adel, nasa boarding gate na siya at ang kanyang pamilya noong Marso 6 nang lapitan siya ng mga tauhan ng Department of Transportation Office of Transport Security (DOTr-OTS) at sinabing may nakitang anting-anting sa kanyang bagahe.
Ayon kay Adel, inisip niya na siya ay “pini-prank” dahil ginawa ng security officer ang alegasyon na very casual daw.
Nang itanggi niya ito at hilingin na suriin kaagad ang kanyang bagahe, sinabi raw ng mga security personnel na kailangan niyang sumama sa kanila.
Siya at ang kanyang pamilya, gayunpaman, ay tumanggi raw dahil nagsimula na ang boarding para sa kanilang flight, at ayaw nilang maiwan.
Sinabi pa raw ng mga tauhan ng OTS na tatawagan nila ang kanilang supervisor na pagdating, sinabing ang shell ay nasa handbag ni Adel, at hindi sa kanyang bagahe.
Ipinakita rin daw nila sa kanya ang isang larawan ng X-ray scan na sinasabing nagpapakita ng bala.
Pero nangatwiran si Ruth na walang susi ang bag niya tulad ng mga nasa larawang ipinapakita nila kaya naguluhan daw siya.
Sabi pa raw nito wala pa siya nakikitang bala sa totoong buhay, kaya imposible raw ang sinasabing anting-anting.
Hindi bongga ang ganyang mga chika-chika.
Makakasira na naman ‘yan sa ating bayan.
Saka grabe ang trauma ng ganitong pangyayari lalo na kung may edad na, 69, na magbabakasyon lang sana pero nagkaroon pa ng ganung pangyayari.
Nakakaloka.
Subukan nila akong biktimahin ng tanim-bala, talagang hindi ko sila tatantanan hanggang ako ay may buhay.
Charottt lang…
Siyempre dahil hindi na ako nagbibiyahe. Itinago ko na nga ang passport ko dahil sa kalagayan ng katawan ko.
Hindi na ako pwedeng magbiyahe kahit kailan dahil pag nagda-dialysis ka, bawal mag-absent, or else, alam na ang mangyayari.
Hahahaha.
Sa totoo lang, ginagawa ko na lang joke ang mga pangyayari sa buhay ko dahil wala naman akong choice dahil madyonda na ako, 78 na.
Nagawa ko na lahat ng mga gusto kaya, lagi na lang ako nagpapasalamat.
‘Yun lang at babu.
