MANILA, Philippines — Bubuksan ng nagdedepensang Creamline ang single-round semifinals ng 2024-25 Premier Volleyball League All-Filipino Conference sa pagharap sa Petro Gazz.
Sasagupain ng Cool Smashers ang Gazz Angels ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang banggaan ng Choco Mucho Flying Titans at Akari Chargers sa alas-4 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Kinumpleto ng Creamline ang two-game sweep sa Chery Tiggo sa kanilang best-of-three quarterfinal series.
Tinakasan naman ng Petro Gazz ang ZUS Coffee, 25-21, 25-19, 25-23, sa ‘do-or-die Game Three ng kanilang quarterfinals showdown.
Ang pagsunod sa sistema ni coach Sherwin Meneses ang isa sa mga susi ng Cool Smashers sa pagpasok sa ika-17 semis stint target ang pang-11 korona tampok ang asam na ‘five-peat’.
“We always really maximize and work on everything from the basics, do what we need to do, kung sino na ‘yung kalaban namin,” ani middle blocker Bea De Leon. “Systematic naman din siya, mindset lang, ayun lang din talaga.”
Makakatuwang ni De Leon sina Alyssa Valdez, Bernadeth Pons, Tots Carlos, Michele Gumabao, Jema Galanza at Kyle Negrito kontra kina Fil-Am Brooke Van Sickle, Myla Pablo, MJ Phillips, Jonah Sabete, Aiza Maizo-Pontillas at Chie Saet ng Gazz Angels.
Ang unang panalo rin sa semis ang pag-aagawan ng Choco Mucho at Akari.
