Celtics ipinasok ang ika-8 dikit


SAN ANTONIO — Nag­ku­wintas si Jayson Tatum ng 29 points, 10 rebounds at 8 assists para gabayan ang nagdedepensang Bos­ton Celtics sa 121-111 paggiba sa Spurs.

Nagdagdag si Jrue Ho­liday ng 21 points, 6 re­bounds at 6 assists para sa pang-walong sunod na rat­sada ng Boston (55-19).

Umiskor si Keldon Johnson ng 23 points ka­su­nod ang 22 markers ni Stephon Castle para sa San Antonio (31-42) na lag­lag sa ikatlong dikit na kamalasan.

May 8-13 record nga­yon ang Spurs sapul nang masuri si Victor Wemban­ya­ma na may blood clot sa kanang balikat at hindi na makakalaro sa season.

Nagsalpak ang Celtics ng walong three-point shots sa first period para ilista ang 36-27 abante at lalo pang nakalayo sa 94-81 pa­­pasok sa fourth quarter.

Sa Memphis, kumama­da si Austin Reaves ng 31 points at tumipa si Luka Don­cic ng 29 points at 9 assists sa 134-127 panalo ng Los Angeles Lakers (45-29) sa Grizziles (44-30).

May 25 markers si Le­Bron James para sa kanyang ika-42,000 career re­gular-season points.

Sa Oklahoma City, kumonekta si Shai Gilgeous-Alexander ng 33 points sa 132-111 paggupo ng Thun­der (62-12) sa Indiana Pacers (43-31).

Sa Chicago, umiskor si Klay Thompson ng 20 points at may 19 markers si P.J. Washington sa 120-119 pagtakas ng Dallas Mavericks (37-38) sa Bulls (33-41).

Sa Orlando, nagbagsak si Paolo Banchero ng 24 points para tulungan ang Magic (36-39) sa 121-91 pagdomina sa Sacramento Kings (36-38).

Sa Philadelphia, nagposte si Tyler Herro ng 30 points sa 118-95 pagsunog ng Miami Heat (33-41) sa sibak nang 76ers (23-51).