Eala goodbye na sa US Open


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 29, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Bigo si Alex Eala na masundan ang magandang ratsada nito matapos lumasap ng kabiguan sa second round ng US Open women’s singles na ginaganap sa USTA Billie Jean King National Tennis Center sa Queens, New York.

Nagtamo si Eala ng 4-6, 3-6 desisyon sa kamay ni Cristina Bucsa ng Spain upang tuluyang matuldukan ang kampanya nito sa naturang Grand Slam event.

Tanging tatlo lamang ang nagawa ni Eala sa kanyang siyam na break point opportunities kumpara sa 6-of-8 na nakuha ng Spa­nish player.

Matikas din ang naitala ni Bucsa sa first serve nang magtala ito ng 71.9 precent laban sa 66.1 ni Eala.

Dahil dito, nakagawa si Bucsa ng tatlong aces sa buong panahon ng laro. Walang nakuhang ace si Eala.

Pinuri ni Bucsa ang magandang inilaro ni Eala.

Alam din ni Bucsa na daragsa ang mga Pinoy fans upang suportahan si Eala sa laban nito.

Ngunit hindi hinayaan ni Bucsa na makaapekto ito sa kanyang laro upang mabilis na tapusin ang Pinay netter.

“Before the match, I knew it’s going to be tough because she did really well against top players before,” ani Bucsa.

Gayunpaman, hindi uuwing luhaan ang 20-anyos na si Eala dahil naibulsa nito ang $154,000 konsolasyon sa pagpasok sa second round o halos P9 milyon.

Ito ang unang pagkakataon na nakapagtala ng panalo ang isang Pinay netter sa main draw ng isang Grand Slam event.

Tinalo ni Eala si world No.14 Clara Tauson ng Denmark sa first round, 6-3, 2-6, 7-6 (11).