CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Arestado ang isang pekeng dentista sa isang entrapment sa kanyang tirahan sa Lian, Batangas nitong Huwebes ng tanghali.
Kinilala ng Criminal Investigation and Detection Group-Batangas ang isang 21-anyos na babae na si alyas “Petra”, high school student at residente ng Matabungkay, Lian, Batangas.
Ayon kay Lt. Col Jake Barila, CIDG-Batangas provincial officer, si Petra ay sangkot sa ilegal na pagsasagawa ng dentistry, na nag-aalok ng iba’t ibang serbisyo at produkto ng ngipin sa mababang presyo sa pamamagitan ng mga social media platform at iba pang online na komunikasyon.
Nakuha mula kay Petra ang mga dental paraphernalia tulad ng dental tweezer, periodontal probe, dalawang pirasong glass lonomer cement powder at liquid at Orthodontic bracket.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na elemento mula sa CIDG4-Batangas, mga lokal na awtoridad na may kasamang kinatawan ng Philippine Dental Association sa tirahan ng suspek sa Sitio Tubigan, dakong alas-12:10 ng tanghali.
“Ang operasyong ito ay binibigyang-diin ang kahalagahan ng inter-agency cooperation sa pagtukoy at paghuli sa mga indibidwal na naglalagay sa publiko sa panganib sa pamamagitan ng mga labag sa batas na gawain,” sabi ni Lt. Col Jake Barila, CIDG-Batangas provincial officer.