Ang ganda rin ng pagpayat ni Martin Escudero na tinanong namin kung ano ang ginawa niya, nang makatsikahan namin sa press conference ng pelikulang Beyond The Call of Duty na collaboration ng dating Ilocos governor Chavit Singson sa Pinoyflix ni direk JR Olinares.
Ibinahagi ni Martin na tatlong taon na pala siyang fruits at vegetables lang ang kinakain niya.
Nagsimula raw ito nung nagka-gout siya, na talagang pinagdusahan daw niya ang naturang sakit ng siyam na buwan din.
Nag-research daw siya kung ano ang dapat niyang gawin, para gumaling siya at hindi na bumalik ang naturang sakit.
“Ang pinaka-meat ko na ‘yung mushroom. So, malalim na pag-aaral po ‘yun e. Mahirap i-explain, hindi siya basta-basta naiintindihan,” pakli nito.
“Nag-aral po ako, nagsaliksik ako kung paano pahabain ang buhay. ‘Yun na lang ang labanan ngayon e. Pahabaan ng buhay. Mahirap lang kasi hindi sanay ‘yung mga tao sa ganitong sukat, na low body fat.
“Naging lifestyle na po siya e,” dagdag niyang pahayag.
Nawala na raw ang gout niya, kaya tuluy-tuloy din ang trabaho niya.
Kasama nga si Martin sa My Love Will Make You Disappear at masaya siya sa magandang resulta nito sa box office.
Bumalik siya sa gay role na matagal na rin daw niyang hindi nagagawa.
Pinanghinayangan naman ni Martin ang isa pang pelikulang The Victor Wood Story na pinagbidahan niya.
Wala pa raw siyang ideya kung tatapusin pa ito.
“‘Yung Victor Wood kasi 95 percent na namin natapos ‘yung film. Ang nangyari nga lang, ‘yung aming producer at si Victor Wood, halos sabay silang pumanaw.
“So, iba na ‘yung management, etcetera… hindi ko na alam kung anong plan nila.
“Nasa management na po ng Net 25,” saad pa ni Martin Escudero.
Sharon, mala-25 na ang aura!
Sobrang na-achieve ni Sharon Cuneta ang gusto niyang mangyari sa pagdalo niya sa katatapos lang na ABS-CBN Ball na ginanap sa Solaire North, Quezon City noong Biyernes.
Ang ganda naman kasi talaga ng pagpayat niya sa kabila ng mga pinagdaanan niya bago nabawasan ng timbang ng halos 106 lbs.
Ang mahalaga rito ay marami siyang na-inspire na kung kinaya ng Megastar, kakayanin din natin.
Ibinahagi nga niya sa kanyang Instagram account na noong 2016 pa raw niya sinimulan ang pagpapayat at ngayon lang niya ito naabot ang gusto niyang mangyari.
Inspiring ito sa lahat, at ang ganda ng sinabi ni Rajo Laurel nang hiningan sila ni Raymond Gutierrez ng opinyon nila sa stars na dumalo roon.
“I mean, how do you see Sharon Cuneta now?
“My God! She looks like 25,” bulalas ni Rajo Laurel.
Dagdag pa niyang pahayag, “I wanna see that body, she’s s elegant and simple. Kudos to Jot Losa. Kudos to Sharon Cuneta.
“You are inspiring everyone to get healthy, be beautiful, and get in shape.”
Kaya naman inspired din ang Megastar sa pagpo-post ng mga kuha sa naturang ball.
Claudine, nakikisawsaw sa kontrobersiya ng Marjo?!
Tuluy-tuloy pa rin ang nakakalokang drama ng tambalang MarJo nina Mark Herras at Jojo Mendrez.
Ang pasabog nga ng abogado ni Jojo na si Atty. Chiqui Advincula, may kasunod pa raw na complaint na ipa-file nila sa susunod na linggo.
“We gathered a lot of discoveries for which reason, there will be additional charges to be filed by next week,” pahayag ni Atty. Advincula.
Sumipot nga roon si Rainier Castillo na hindi natin alam kung bahagi pa rin ba ‘yun ng collaboration, at kung may talent fee ba doon ang StarStruck alumnus.
Pinagdiinan pa rin kasi ni Jojo na hindi ‘yun gimmick.
“No, no, no! Hindi siya gimmick. Never akong mag-gimmick, kasi ako naman ay simpleng tao lang at hindi ko kailangan ng gimmick sa buhay ko,” saad ni Jojo.
Ang sabi lang ni Rainier, “Siguro ang masasabi ko, kung ano ‘yung sarili niyang pinakamagandang gawin ngayon ay siya nang makapag-decide nu’n.”
Ngayon ang kasunod na gustong sumali sa isyung ito ay si Claudine Barretto.
Galit na galit daw ito sa ginawa ni Mark sa Revival King.
Mahirap pang magbigay ng opinyon diyan. Aalamin pa muna namin kung panibagong collaboration na naman kaya itong pagpasok ni Claudine sa eksena. May honorarium kaya ito?
