MANILA, Philippines — Isang panalo na lang ang kailangan ng Junior Altas para makamit ang kauna-unahang NCAA crown.
Ito ay matapos talunin ng University of Perpetual Help System DALTA ang College of St. Benilde-La Salle-Greenhills, 100-96, sa Game One ng NCAA Season 100 juniors basketball finals kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Hangad ng Junior Altas ang una nilang titulo sapul nang sumali sa NCAA noong 1984.
Umiskor si MVP frontrunner Lebron Jhames Daep ng 21 points, samantalang may ambag na 20 markers si Jan Roluna para sa kanilang 1-0 lead sa Greenies sa best-of-three championship series.
Nag-ambag si Jericho Cristino ng 14 points para sa Perpetual at may 13 at 12 markers sina JD Pagulayan at Louie Rosales, ayon sa pagkakasunod.
Bumanat si Guillian Quines ng game-high 29 points sa panig ng CSB-LSGH.
