MANILA, Philippines — Inangkin ng Akari ang bronze medal matapos walisin ang Choco Mucho, 25-15, 26-24, 26-24, sa Game Three sa puwestuhan sa third place sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Nagkuwintas si Eli Soyud ng 18 points mula sa 15 attacks at tatlong blocks para pamunuan ang Chargers habang may 13 at 12 markers sina Ced Domingo at Ivy Lacsina, ayon sa pagkakasunod.
Nagtapos ang kanilang best-of-there series sa 2-1.
“Sobrang grateful kasi lahat ng pagod namin nag-paid off na, sa lahat ng hirap and sacrifices ng team, ng coaches, ng management and the players siyempre,” sabi ng 29-anyos na si Soyud.
Nagtala si setter Mich Cobb ng 20 excellent sets, samantalang may 18 digs at 17 receptions si Grethcel Soltones.
Ito ang kalawang sunod na medalya ng tropa ni Japanese coach Taka Minowa sa 2024-25 PVL season matapos ang silver medal kasama si American import Oly Okaro sa nakaraang PVL Reinforced Conference na pinagreynahan ng Creamline tampok si Erica Staunton.
Tanging si Sisi Rondina ang nakapagtala ng double figures sa panig ng Flying Titans sa kanyang 14 points kasunod ang siyam na marka ni Royse Tubino.
Hinataw ng Akari ang 2-0 kalamangan sa laro at lumamang sa 8-3 sa kaagahan ng third set.
Nagtuwang sina Rondina at Tubino para idikit ang Choco Mucho, nauna nang nagposte ng 10-game winning streak bago mahulog sa apat na sunod na kamalasan, sa 13-15.
Tuluyan nang nakatabla ang Flying Titans sa 24-24 bago hatawin nina Soyud at Lacsina ang huling dalawang puntos para sa panalo ng Chargers.
