Unang panalo binuhat ng Batang Pier


MANILA, Philippines — Sinimulan ng NorthPort ang kampanya sa Season 49 PBA Philippine Cup mula sa isang panalo.

Pinaluhod ng Batang Pier ang Terrafirma Dyip, 97-75, tampok ang 19 points, 12 assists at 8 rebounds ni Arvin Tolentino kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

“I can’t rely on my sco­ring lang dahil I’m sure iyong mga teams iyon ang unang titingnan sa akin,” ani Tolentino, ang Best Player of the Conference ng nakaraang PBA Commissioner’s Cup. “I have to really be better on moving the ball and reading the defense.”

Nag-ambag si William Navarro ng 18 markers para sa mga bataan ni coach Bonnie Tan habang may 15 at tig-10 points sina Joshua Munzon, Allyn Bulanadi at Sidney Onwubere, ayon sa pagkakasunod.

Inilista ng NorthPort ang 1-0 record at inilaglag ang Terrafirma sa 1-2 baraha kasama ang ikalawang sunod na kamalasan.

Ang three-point shot ni Fran Yu ang naglayo sa Batang Pier sa 33-17 sa second period bago nakalapit ang Dyip sa halftime, 38-47.

Binanderahan nina Munzon, Tolentino, Bulanadi at Navarro ang ratsada ng NorthPort sa third quarter patungo sa pagpoposte ng 24-point lead, 85-61, kontra sa Terrafirma sa 5:48 minuto ng final canto.

Ang left-handed slam dunk ni Navarro ang nagbigay sa Batang Pier ng 93-70 kalamangan sa huling 2:09 minuto ng bakbakan.

Mula rito ay hindi na nakapalag ang Dyip.