Sa pagdagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa, muling nagpaalala ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa mga operator at driver ng pampublikong transportasyon (Public Utility Vehicle) na tanging “G” (General Patronage) at “PG” (Patnubay at Gabay ng Magulang) lamang ang pwedeng ipalabas sa loob ng PUVs.
Batay sa MTRCB Memorandum Circular No. 03-2024, kinikilala bilang common carriers o isang sinehan na rin ang mga PUV dahil nagpapalabas sila ng mga pelikula na sakop ng MTRCB.
Batay sa Chapter III Section 2 ng nasabing batas, dahil sa karakter at aksesibilidad ng mga PUV anuman ang edad, “tanging G o PG lang ang pwedeng ipalabas sa mga common carriers at pampublikong lugar.”
Ito ay para matiyak na ang mga pelikula ay angkop para sa lahat ng biyahero at hindi magkakaroon ng negatibong epekto sa mga bata na bumabyahe kasama ang kanilang pamilya.
Hinihikayat din ng Board ang mga pasahero na isumbong sa MTRCB ang mga makikitang lumalabag sa naturang polisiya. Maaaring ireport sa pamamagitan ng opisyal na social media channels ng MTRCB (@MTRCBGov) at email: [email protected].