Lady Stags nagpalakas ng tsansa sa semis


MANILA, Philippines — Inakbayan ni Katherine Santos ang San Sebastian College-Recoletos matapos magliyab ito sa opensa at kalusin ang Jose Rizal University, 25-23, 25-23, 22-25, 23-25, 16-14 sa NCAA Season 100 wo­men’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil-EcoOil Arena sa San Juan kahapon.

Kumana si Santos ng 21 points lahat galing sa attacks upang ilista ang 7-5 karta para sa Lady Stags at saluhan sa No. 5 sa team standings ang Mapua University.

Dahil sa panalo, nana­na­tiling malakas ang tsansa ng Recto-based squad na ma­kapasok sa magic four pagkatapos ng 10-game double round robin.

Ipinaramdam ng Lady Stags ang kanilang lakas nang sikwatin ang panalo sa unang dalawang sets pero biglang uminit ang laro ng JRU nang magpasabog ito sa third at fourth frame.

Nalagay pa sa ala­nga­nin ang Lady Stags ng mag habol sila ng dalawa, 12-14 sa deciding fifth set, mabuti na lang at naging matatag sila para maitakas ang inaasam na panalo.

Samantala, puwesto sa No. 3 ang Arellano University matapos nilang kalusin ang San Beda University, 27-29, 25-16, 25-17, 25-21 sa ikalawang laro.

Mag-isa sa unahan ang Letran na may 10-2 karta, nasa pangalawa ang defending champion CSB, (9-2) habang magkasalo sa No. 3 ang University of Perpertual Help System DALTA at Arellano University na may 7-4 baraha.