Lady Altas gustong makabalik sa porma


MANILA, Philippines — Sisikapin ng University of Perpetual Help System DALTA na kalsuhan ang kanilang three-game losing streak pagharap nila sa Mapua University ngayong araw sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na lalaruin sa FilOil Arena sa San Juan.

Nasa pang-apat ng team standings ang Lady Altas, tangan ang 7-4 card kaya medyo tumatagilid sila sa asam nilang makapasok sa magic four pagkatapos ng 10-team double round robin.

Naka-puwesto sa Nos. 5 at 6 ang Mapua at San Sebastian College-Recoletos na may tig 7-4 karta.

Magsisimula ang banatan ng UPHSD at Mapua sa alas-12 ng tanghali sunod ang bakbakan ng Letran at Lyceum sa alas-2:30 ng hapon.

Tulad ng Lady Altas, balak din ng Lady Cardinals na makabangon agad mula sa pagkakadapa sa huli nilang laro.

Yumuko ang Perpetual Help sa Lady Knights, 25-27, 23-25, 21-25 habang tumukod ang Lady Cardinals sa Lady Pirates, 16-25, 15-25, 29-27, 25-23, 10-15.

Naniniwala si UPHSD coach Sandy Rieta na makakapasok sila sa semis kaya naman gusto nilang makabalik sa win column.

Sasandalan ni Rieta sa opensa sina veterans Shaila Omipon, Winnie Bedana, Camille Bustamante, Pauline Reyes, Bea Uy, setter Fianne Ariola, liberos Marina Andal at Jodi Lozano at rookies, Jemalyn Menor, Geraldine Palacio at Monica Mariano.