MANILA, Philippines — Hindi magpapaawat sa ratsada ang nagliliyab na NLEX kontra sa kulelat na Blackwater sa pagdayo ng 2025 PBA Philippine Cup ngayon sa Ynares Sports Center sa Montalban, Rizal.
Binyagan sa first game ng double-header ang Road Warriors at Bossing sa alas-5 ng hapon bago ang pitpitan ng TNT Tropang 5G at Phoenix Fuel Masters sa main game sa alas-7:30 ng gabi.
Ikatlong sunod na panalo ang mithiin ng koponan ni coach Jong Uichio para makasosyo ang San Miguel (3-1) sa segunda puwesto ng 12-team standings sa likod lang ng wala pang mantsang Magnolia (4-0).
Matapos kapusin kontra sa Beermen sa debut nito, sumikwat ng 2 dikit na tagumpay ang NLEX kontra sa mga noon ay sasalang palang na Rain or Shine, 109-95, at Talk ‘N Text, 91-74.
Hindi magiging madali na mapanatili ang kanilang momentum kahit pa kontra sa Blackwater kaya hamon ni Uichio ang consistency sa kanyang mga manok.
“First game ng Rain or Shine, first game ng TNT, that’s also a factor na ganu’n ‘yung laro nila. Pero ganito rin ang laro namin so it works both ways,” ani Uichico na aasa kina Robert Bolick, Kevin Alas, Xyrus Torres, Enoch Valdez, Brandon Ramirez, Anthony Semerad at breakout player na si JB Bahio.
“I’m happy with how we are playing. Consistency is the key next and to keep on improving because after this one hindi na first game ‘yung mga kalaban namin. Nakapaglaro na sila.”
Tatlong salang na ang kaharap nilang Blackwater na matapos ding matalo sa unang 2 laban ay nakaiskor ng higanteng 120-98 silat kontra sa Commissioner’s Cup semifinalist na NorthPort.
Iyon ang susubukang mapagkuhanan ng inspirasyon ng mga bata ni coach Jeff Cariaso.
“Everyone stepped up and played well regardless if they’re starting or coming off the bench,” ani Cariaso na sasandal naman kila Sedrich Barefield, Christian David, JVee Casio, RK Ilagan, Richard Escoto, BJ Andrade at bagong player na si Troy Mallilin.
