Finals spot pakay ng Lady Bulldogs


MANILA, Philippines — Nasungkit ng defen­ding champion National Uni­versity ang top seeding sa pagtatapos ng double round robin maging ang ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four ng UAAP Season 87 women’s vol­ley­ball tournament.

Subalit para kay reig­ning two-time Most Valuable Player Bella Belen, kailangan pang gumanda ang kanilang laro upang masilo ng Lady Bulldogs ang inaasam na korona.

“Personally, masasabi ko hindi pa masyado. Kum­baga, kailangan kada game, nag-i-improve kami kahit kaunti,” sabi ni Belen na nakapagtala ng limang triple-doubles.

Nakatakdang harapin ng NU ang No. 4 seed Far Eastern University nga­yong alas-2 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Isang panalo lang ang kailangan ng Lady Bulldogs laban sa Lady Ta­maraws para umusad sa championship round.

Makakatuwang ni Be­len sa NU sina Alyssa Jae Solomon, Evangeline Alinsug, Minerva Maaya at Erin May Pangilinan.

Inirehistro ng defending champions ang 12-2 karta kaya nasikwat nito ang bo­nus na ibinibigay sa top two teams pagkatapos ng eliminations.

Pero tiyak na mapapa­laban sila sa FEU dahil may matitinding armas din ang mga ito.

May kartang 9-5 ang La­dy Tamaraws at tinalo ang La Salle Lady Spikers, 25-20, 28-20, 20-25, 25-23, sa huli nilang laro.

Ibabangga ni FEU head coach Tina Salak sina Faida Bakanke, Gerzel Mary Petallo, Jazlyn Ann Ellarina at Chenie Tagaod.

Maghaharap ang may bitbit na bonus No. 2 De La Salle University kontra sa No. 3 University of Sto. To­mas sa alas-6 ng gabi.