Mga pelikula ng National Artist at Superstar na si Nora Aunor, bubuhayin sa Cinema One


Isang espesyal na month-long film tribute para sa yumaong Superstar at National Artist na si Nora Aunor ang handog ng Cinema One ngayong Mayo tampok ang ilan sa kanyang mga pelikula na tumatatak sa kasaysayan ng Philippine Cinema at sa maraming manonood.

Balikan ang ilan sa mga hindi malilimutang pelikula ni Nora tulad ng  Minsa’y Isang Gamu-Gamo sa Mayo 11, Bulaklak sa City Jail sa Mayo 18, at Himala sa Mayo 25 na mapapanood sa Restored Cinema tuwing Linggo, 9 p.m.

Bago sumikat si Nora bilang isang batikang aktres, nagsimula siya bilang singer at sumali sa iba’t ibang competitions na naging daan upang pasukin niya ang mundo ng pag-arte. Kinilala ng FAMAS awards si Nora bilang hall of fame awardee at siya rin ang kauna-unahang Pinoy na nanalo ng Asian Film Award for Best Actress.

Throwback drama films naman ang hatid ni Judy Ann Santos sa kanyang pagbida sa Monday Drama. Saksihan siya bilang ang nalilito sa pag-ibig na si Annie sa Kahit Isang Saglit sa Mayo 12, career woman na si Abby sa Don’t Give Up on Us sa Mayo 19, at ang matapang na bida na si Sabel sa Mayo 26, 9 p.m.

Samantala, mga nakakaantig na kuwento na para sa pamilya ang tampok sa Mother’s Day special ng Cinema One. Huwag palampasin ang Madrasta ni Sharon Cuneta sa Mayo 11, One More Try nina Angel Locsin, Dingdong Dantes, Angelica Panganiban, at Zanjoe Marudo sa Mayo 18, Anak nina Vilma Santos at Claudine Barretto sa Mayo 25 na mapapanood tuwing Linggo, 3 p.m.

Available ang Cinema One, ang tahanan ng Filipino blockbuster mo­vies, sa SKYcable ch. 56, Cignal ch. 45, GSat Direct TV ch. 14, at iba pang local cable service providers.