Mas maayos, tahimik at tapos na mga isyu at intriga sa relasyon ng mag-asawang Dennis Trillo at Jennylyn Mercado.
Kasabay na raw ito sa pag-mature nila, wala raw silang drama na nagpo-post ng cryptic message sa social media, o ‘yung nag-a-unfollow sa isa’t-isa. “Siguro kung nung bata pa kami. Pero ngayon, wala na kasi ano e… mas malawak na ngayon ang pag-iisip namin bilang mga mature individuals.
“Siyempre, may mga pagkakataon na darating, pero hindi na ganun kalakas ‘yung impact sa aming mag-asawa,” pakli ng actor nang makatsikahan namin sa launching nito bilang bagong brand ambassador ng Belle Dolls na ginanap sa Solaire North kahapon.
Aminado si Dennis na may mga in-unfollow na raw siyang ex-girlfriend para wala nang isyu pa. “Meron din. Hindi ko naman bina-block. Pero siyempre, para wala lang maging problema, minabuti ko na lang din,” medyo naalangan pa niyang sagot sa amin.
Pero may iba naman daw ex na friends niya hanggang ngayon.
Baka depende raw sa breakup, kaya na-unfollow niya at hindi naging kaibigan ang girlfriends niya.
Ini-endorse ni Dennis ang bagong produkto ng Beautederm Belle Dolls na Zero Filter Sunscreen line. Pareho raw sila ni Jennylyn na may mga seremonyas na para manatiling bagets looking. Kaya lalo siyang gumuwapo.
Tinanong na rin namin kung may mga tukso pa rin bang sumusunod sa kanya ngayon. “Siyempre ang mga tukso laging nandiyan ‘yan. Pero masusubok ‘yung tibay ng pagsasama ninyo sa ganun. Hindi na kayo nagpapaapekto sa mga tukso. Dito masubukan kung gaano kayo katatag, kung gaano kayo katibay, and napakasuwerte ko sa aming relasyon ni Jen, talagang na-master na namin ‘yung isa’t isa, kaya siguro harmonious na kaming magkasama.
“Wala na kasi ano e… mas malawak na ngayon ang pag-iisip namin bilang mga mature individuals. Siyempre, may mga pagkakataon na darating, pero hindi na ganun kalakas ‘yung impact sa aming mag-asawa,” saad pa niya.
Tuluy-tuloy rin ang taping nila ngayon ni Jennylyn para sa seryeng Sanggang Dikit. Kaya talagang hindi na raw sila naghihiwalay, araw-araw ay magkasama sila.
Paano pa nga matutukso ang aktor niyan?
Iza, may pakiusap sa mga botante
Talagang itinuloy ni Roselle Monteverde ang tradisyong sinimulan ni Mother Lily Monteverde tuwing eleksyon.
Nag-effort kasi talaga noon si Mother Lily na magpa-presscon sa mga kandidatong gusto niyang suportahan.
Ginawa ito ngayon ni Roselle sa senatoriable na si Kiko Pangilinan.
Kaya hindi napigilan ni Sharon Cuneta na maging emotional sa pagpapasalamat na ibinigay ng Regal Entertainment sa kandidatura ng kanyang asawa.
Bukod pa riyan ay nami-miss pa raw niya si Mother Lily.
Lumuluha itong nagpapasalamat sa mag-inang Roselle at Keith Monteverde, pero ang isa raw sa iniiyak niya ay ang pagka-miss kay Mother Lily.
Tinanong na rin namin ang mag-asawang Kiko at Sharon, kung ang Regal lang ba ang nagbigay ng tulong. Meron din kaya ang ibang kaibigan, specifically ang Viva na mother studio ng Megastar?
“Meron. Meron,” mabilis na sagot ni Kiko Pangilinan.
“Meron naman,” dugtong ni Sharon.
Pero ramdam namin sa kanilang sagot na tila may tampo sila sa ilang taong inaasahang tutulong sa kandidatura ni Kiko Pangilinan. “Hindi naman. Tumulong din naman,” kaswal na sagot ni Sharon.
Nagbigay rin ng suporta sina Iza Calzado at Phi Palmos na dumating doon sa media conference.
“Sa lahat na mga kasamahan ko sa showbiz, mga kapwa artista ko, mga mang-aawit. My heart is overflowing with gratitude. Thank you for your faith in Kiko.
“Wala na akong masabi kundi, sa mga kaibigan ko sa press, dito sa showbusiness sa industriya nating mahal.
“Karamihan sa inyo talaga, familiar faces. You’ve been helping me forever, now it’s my husband. Maraming salamat sa inyo. Talagang pamilya tayo,” saad ni Sharon na patuloy ang pagpapahid ng luha.
Hiningan na rin namin doon ng pahayag si Iza tungkol sa nalalapit na eleksyon.
“Sa ating mga kapwa Pilipino, pagdating po sa pagpili ng tamang kandidato para mamuno sa ating bayan. Kung meron na siyang previous experience, sana ay maganda ang track record, sana ay klaro ang plataporma.
“Kung wala mang political experience, makikita n’yo naman sa body of work niya. So, these are the people that we need, who really know the law, who really know the people. Kasi, we’re electing Senate, Congress, Mayor, iba-iba po kasi ng pangangailangan ‘yun.
“At sana really has the heart to serve the Filipino people,” saad ni Iza Calzado.
