Win No. 6 target ng Magnolia sa Meralco


MANILA, Philippines — Bagama’t may malinis na 5-0 record ay kalahati pa lamang sa kanilang misyon ang nararating ng Magnolia sa Season 49 PBA Philippine Cup.

“We’re happy we have a good start compared to the last two conferences but we’re still far from our goal and we still have to keep on working hard every time,” ani coach Chito Victolero.

Target ang ikaanim na sunod na panalo, lalabanan ng Hotshots ang nagdedepensang Meralco Bolts ngayong alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Sa unang laro sa alas-5 ng hapon ay magtutuos ang NLEX Road Warriors at Terrafirma Dyip.

Nagmula ang Magnolia (5-0) sa 127-94 pagwasak sa Terrafirma (1-5) habang nakalasap ang Meralco (3-4) ng 84-101 kabiguan sa TNT Tropang 5G (3-3) sa kanilang mga huling laro.

“Everybody’s stepping up, everybody’s contribu­ting and ‘yung naman ‘yung system namin. We try to go hard every time we step on the court and give our 100 percent, even ‘yung mga players na galing sa bench, ready maglaro,” dagdag ni Victolero.

Sa unang laro, puntirya ng Road Warriors (4-1) ang kanilang pang-limang dikit na ratsada sa pagsagupa sa Dyip.

“Maski ganoon ‘yung standing nila, it doesn’t mean they’ll just show up and play the game, parang ganoon,” ani NLEX coach Jong Uichico sa Dyip.