November 23, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Bigo si Pinoy bet Karl Eldrew Yulo na makasungkit ng medalya sa men’s individual all-around finals ng 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships kahapon sa Manila Marriott Grand Ballroom ng Newport World Resorts sa Pasay City.
Tumapos ang 17-anyos na si Yulo sa pang-walong puwesto mula sa isinumite niyang total score 78.731 sa anim na apparatus.
Mababa ang kanyang naging mga iskor sa pommel horse at rings kung saan siya nagtala ng 13.000 para sa pang-siyam na puwesto at 12.066 para sa ika-17 posisyon, ayon sa pagkakasunod.
Nagkaroon din si Yulo ng right foot injury sa vault na naghulog sa kanya sa ika-14 sa iskor na 13.466.
“Biglang sumakit po pagkatapos ng triple twist ko sa floor tapos po may biglang kirot,” pag-amin ni Yulo sa torneong itinataguyod ng Smart/PLDT, Milo, Pocari Sweat at Cignal TV bilang official broadcaster.
Pumuwesto ang utol ni Paris Olympics double-gold medal winner Carlos Edriel Yulo sa pang-10 sa horizontal bar sa kanyang 13.066 at ika-14 sa parallel bar sa inilista niyang 12.833.
Isa sa mga sumuporta kay Yulo ay si Tokyo Olympic gold medalist Hidilyn Diaz sa event na suportado ng Office of the President, Philippine Sports Commission at Philippine Amusement and Gaming Corp. at inorganisa ng Gymnastics Association of the Philippines na may basbas ng International Gymnastics Federation.
Sa kabila ng kabiguang makakuha ng medalya ay masaya naman si Yulo sa kanyang ipinakita.
“I am still proud of myself, even if I did not make it to the top 3. I got to be in the top 8 and within the top 10 after finishing the qualifications at No. 15,” wika ni Yulo.
Nakatakdang lumaban si Yulo sa finals ng floor exercise ngayon kasunod ang vault at horizontal bar finals bukas sa pagtatapos ng torneo.
