Creamline liyamado sa Galeries Tower


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 18, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ang isang katulad ni American import Coco Schwan ang kailangan ng nagdedepensang Creamline sa kampanya sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Confe­rence.

“She actually gives us so much advice that really helps us. Little things. She’s very straight forward, very direct. And that’s why we can really appreciate that,” ani team captain Alyssa Valdez kay Schwan.

Mula sa isang five-set loss sa Akari Chargers ay bumangon ang Cool Smashers para talunin ang Petro Gazz Angels, 25-20, 25-21, 17-25, 25-20, tampok ang 27 points ng 29-anyos na si Schwan.

Target ang ikalawang sunod na panalo, lalabanan ng Creamline ang Galeries Tower ngayong alas-6:30 ng gabi sa Capital Arena, Ilagan City.

Sa unang laro sa alas-4 ng hapon ay magtatagpo ang Petro Gazz at Chery Tiggo.

Sina Schwan at Valdez ang muling babandera sa Cool Smashers kasama sina Tots Carlos, Michele Gumabao, Kyle Negrito at Kyle Atienza kontra kina import Jelena Cvijovic, Jean Asis, France Ronquillo, Ivy Perez, Ysa Jimenez at Julia Coronel ng Highrisers.

Tuluyang ng hindi ma­kalaro sa torneo si Jema Ga­lanza dahil sa kanyang left foot injury na lumala no­ong PVL Invitational Conference.