MANILA, Philippines — Pormal nang igagawad kay National University outside hitter Mhicaela ‘Bella’ Belen ang Season Most Valuable Player (MVP) award ngayong hapon sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakatakda ang programa sa alas-4:30 ng hapon kung saan ibibigay kay Belen ang naturang parangal — ang ikatlong MVP trophy nito sa liga.
Una nang nakamit ni Belen ang UAAP Rookie-MVP noong Season 84 matapos pamunuan ang Lady Bulldogs na makuha ang kampeonato sa naturang taon.
Itinanghal ding MVP si Belen noong Season 86.
Sa taong ito, nakalikom si Belen ng 96.226 statistical points para masiguro ang MVP plum.
Maliban sa Season MVP award, igagawad din kay Belen ang Best Outside Hitter award kasama si Angel Canino ng La Salle na ikalawang Best Outside Hitter.
Mapapasakamay naman ni Shaina Nitura ng Adamson ang Rookie of the Year award matapos makalikom ng kabuuang 371 puntos sa season na ito.
Papangalanan naman sina Amie Provido ng La Salle bilang First Best Middle Blocker at Nina Ytang ng UP bilang Second Best Middle Blocker.
Best Opposite Spiker si Shevana Laput ng La Salle habang Best Setter naman si Lams Lamina ng NU at Best Libero si Lyka De Leon ng La Salle.