Perpetual Altas at Junior Altas nanuwag


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

October 4, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Kinapitan ng University of Perpetual Help System DALTA ang nagliliyab na opensa ni Mark Gojo Cruz upang kalusin ang San Sebastian College-Recoletos, 67-54, sa NCAA Season 101 men’s basketball tour­na­ment kahapon sa FilOil EcoOil sa San Juan City.

Tumikda si Cruz ng game-high 15 points bukod sa 2 rebounds at 2 assists upang tulungan ang Altas na ilista ang 1-0 karta at sa­luhan sa top spot sa Group A ang defending champion Mapua Cardinals.

Maagang ipinaramdam ng Perpetual ang kanilang lakas nang harurutin agad San Sebastian sa first quar­ter, 22-12, at nanatili ang kanilang bentahe sa halftime, 30-19.

“Having that first win is always a welcome sight pero we have a lot of things to cover,” sabi ni ni Altas head coach Olsen Racela.

Para kay Racela, ito ay unang laro pa lamang at ma­layo pa ang kanilang tatahakin pero masaya siya sa ipinakitang higpit ng depensa ng kanyang mga tropa.

“This is just one win but I think I liked our defensive effort today,” dagdag ni Racela.

Bumakas din sina John Abis, John Boral at Patrick Sleat ng tig-10 markers, ha­bang walong marka ki­nana ni Shawn Orgo para sa Perpetual Help.

Sunod nilang makakalaban ang Luceum of the Philippines University, bukas.

May 0-1 baraha naman ang Golden Stags.

Sa juniors division, wagi rin ang nagdedepensang Junior Altas kontra sa Stag­lets, 78-61.

Tumipa si Jim Corpuz ng game-high 17 points bukod sa 4 boards, 2 assists at 2 blocks para banderahan ang Junior Altas.

Nagdagdag si Loiue Rosales ng 13 markers.