October 18, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Isa pang pangalan ang sumali sa Manny Pacquiao sweepstakes.
Sinabi ng kampo ni Irish fighter Lewis Crocker, suot ang International Boxing Federation (IBF) welterweight belt, na handa silang labanan si Pacquiao kung wala itong makakatapat sa susunod na taon.
Sa panayam ng BBC Sport NI ay sinabi ng manager ni Crocker na si Jamie Conlan na tinawagan na niya ang right hand man ni Pacquiao na si Sean Gibbons para ipaalam ang kanilang interes na sagupain ang Filipino icon.
Determinado si Pacquiao, bigong maagaw ang world title ni World Boxing Council welterweight champion Mario Barrios noong Hulyo, na muling manalo ng korona.
Target ng 46-anyos na Pinoy boxing legend si Rolly Romero, hawak ang World Boxing Association (WBA) title, at sinabing pinanapanalisa na ang kanilang January 2026 showdown.
Ngunit maaari itong hindi matuloy dahil ipinag-utos ng WBA kay Romero na idepensa ang kanyang korona laban kay mandatory challenger Shakhram Giyasov.
Dito papasok sa eksena si undefeated Crocker (22-0-0, 11 knockouts).
“They [Pacquiao camp] are trying to do [a fight with] Rolly Romero but if that can’t be done, then we are going to have communication,” wika ni Conlan sa BBC Sport NI.
Tinalo ng 28-anyos na si Crocker ang kababayang si Paddy Donovan noong Setyembre para sa IBF belt na maaaring puntiryahin ni Pacquiao na gustong burahin ang kanyang record sa pagiging pinakamatandang welterweight champion sa kasaysayan.
Una itong nagawa ni Pacquiao noong 2019 nang sa edad na 40-anyos ay tinalo niya si Keith Thurman para sa WBA crown na bitbit ngayon ni Romero.