British Council, hahasain ang mga guro sa pagtuturo ng ingles!


Dianne Canlas — Pilipino Star Ngayon

October 3, 2025 | 12:00am

Bilang tugon sa patuloy na pagbabago ng pangangailangan sa edukasyong Ingles sa Southeast Asia, inanunsyo ng British Council ang paglunsad sa ASEAN TeachingEnglish Online Conference 2025: Adapting to Change, isang makabago at multi-format professional development event para sa mga guro ng Ingles, tagapagturo, at policy-makers sa buong ASEAN.

Gaganapin mula Oct. 14 hanggang 30, 2025, ang online conference na magbibigay ng libreng, dekalidad na pagsasanay at kaalaman mula sa mga eksperto upang suportahan ang mga propesyunal sa pagtuturo ng Ingles na nagtatrabaho sa masalimuot at mabilis na nagbabagong mga kapaligiran sa edukasyon.

Mula sa pag-usbong ng AI (Artificial Intelligence) sa mga silid-aralan hanggang sa pagbabago ng mga patakaran sa iba’t ibang bansa sa ASEAN, lalong tumitindi ang pangangailangan na makasabay sa pagtuturo ng Ingles.

Layunin ng conference na ito na hindi lamang tumugon, kundi manguna.

Ipinapakita rin nito ang pangmatagalang pangako ng British Council na suportahan ang mga layunin sa rehiyonal na pag-unlad sa pamamagitan ng edukasyong Ingles bilang kasangkapan para sa oportunidad, koneksyon, at inobasyon.

Nakikipagtulungan naman ang British Council sa mga tagapagturo, ministeryo, unibersidad, at mga asosasyon ng guro sa Indonesia, Thailand, Vietnam, Myanmar, Pilipinas, Malaysia, Laos, at Cambodia upang matiyak na ang mga nilalaman ay nakaangkla sa lokal na konteksto ngunit inihahatid sa isang pinagsamang regional platform.

Ipapalabas ang mga sesyon sa accessible time zones at ila-livestream sa social media upang mas marami ang makalahok.

Sa pagtutok sa classroom-ready tools, mga scalable development model, at low-tech na solusyon para sa mga lugar na may mataas na pangangailangan, layon ng conference na magkaroon ng long-term impact sa kung paano itinuturo at natututuhan ang Ingles sa ASEAN.

Bisitahin lamang ang https://www.britishcouncil.or.th/en/programmes/teach/asean2025 upang makapagparehistro nang libre sa conference.