Eala may bagong partner sa French Open doubles


MANILA, Philippines — Walang masisilayang tambalang Alex Eala at Coco Gauff sa French Open women’s doubles.

Nagpasya si Gauff na isentro ang kanyang atensiyon sa women’s singles kaya’t hindi ito maglalaro sa doubles.

Magiging kapares naman ni Eala sa doubles si Renata Zarazua ng Mexico sa kampanya nito sa French Open.

Puntirya nina Eala at Zarazua na magkaroon ng magandang simula sa pagharap nito laban kina Marta Kostyuk ng Ukraine at Elena-Gabriela Ruse ng Romania.

Nakatakda namang simulan ni Eala ang kampanya nito sa singles kontra sa kapwa Grand Slam debutant na si Emiliana Arango ng Colombia Linggo ng gabi (oras sa Maynila).

Malaking bagay ito para kay Eala na nagsisilbi nang inspirasyon ng mga bagitong tennis players sa Pilipinas.

“Being the first is a big deal because it gives other people courage to do the same and follow the same path. Where I started… the courts were cracked, nets were broken, fences were not completed and here everything is so detailed, everything is so modern,” ani Eala.

Malaking tulong sa pag-angat ni Eala ang pagpasok nito sa semifinals ng Miami Open noong Marso kung saan tinalo nito ang tatlong Grand Slam winners na sina Jelena Osta­penko, Madison Keys at reigning French Open champion Iga Swiatek.

Dahil sa panalo, uma­ngat si Eala sa world ran­king na kasalukuyan nang nasa No. 69th sa WTA.

Excited na si Eala na ipamalas ang kanyang husay sa world stage lalo pa’t suportado ito ng milyun-milyong Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng mundo. (Chris Co)

Eala may bagong partner sa French Open double.