WTA rank ni Eala muling tumaas


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 9, 2025 | 12:00am

Matapos manalo sa Guadalajara open

MANILA, Philippines — Muling umangat sa live rankings ang Pinay netter na si Alex Eala matapos ma­sungkit ang kaniyang ka­una-unahang WTA crown sa kaniyang tennis career.

Inokupahan ni Eala ang No. 61 spot sa WTA — may 14 puwestong mas mataas kumpara sa kaniyang da­ting posisyon na No. 75.

Malaking tulong ang kam­peonato ng 20-anyos na si Eala sa katatapos na Guadalajara Open sa Me­xico noong Linggo.

Si Eala ang kauna-una­hang Pinay netter na nakasungkit ng WTA title.

Tinalo ni Eala sa finals si Panna Udvardy ng Hungary sa pamamagitan ng puk­pukang 1-6, 7-5, 6-3 de­sisyon.

Nagpaabot ng mensa­he si Grand Slam champion Rafael Nadal dahil sa panibagong tagumpay na nakamit nito.

“Congrats Alex Eala for your first WTA title. I am happy and proud of what you are achieving for yourself and for the Philippines,” ani Nadal sa kaniyang social media accounts.

Sa Rafael Nadal Aca­demy sa Mallorca, Spain na­hubog ang kakayahan ni Eala bilangtennis player.

Pitong taon din itong nag-training sa Spain dahi­lan para lubos na mapala­kas ang laro nito.

Sa ngayon, sesentro na ang atensiyon ni Eala sa susunod na torneong lalahukan nito.

Sasabak si Eala sa Sao Paulo Open sa Brazil si­mula bukas sa Parque Villa-Lobos.

Ang Sao Paulo Open na 250 event ay mas mataas kumpara sa Guadalajara Open na isang 125 tournament.

Hahawakan ni Eala sa Sao Paulo Open ang No. 3 seed, habang top picks naman sina No. 1 Beatriz Haddad Maia ng Brazil at No. 2 Solana Sierra ng Ar­gentina.

Unang makakaharap ni Eala sa opening round ng Sao Paulo Open si Yasmine Mansouri ng France .