LAOAG CITY, Ilocos Norte, Philippines — Isang anak ng fish vendor sa Leyte ang kumuha ng unang gintong medalya sa 65th Palarong Pambansa kahapon dito sa Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium Track and Field.
Nagsumite si Chrishia Mae Tajarros ng Region VIII (Eastern Visayas) ng bilis na 10:16.6 para pagreynahan ang secondary girls’ 3,00-meter run ng athletics event.
“Naiyak po ako kasi hindi ko po na-break iyong record,” ani ng 13-anyos na si Tajarros sa Palarong Pambansa mark na 10:03:00 na inilista ni Meagay Niñura ng Region VI (Davao City) noong 2024 sa Cebu City kung saan siya nakuntento sa silver.
Tinalo ng Grade 9 student ng Tanauan National High School at miyembro ng Leyte Sports Academy (LSA) sina May Mae Magbanua (10:48.4) ng Region XIII (Caraga) at Nathalie Faye Miguel (10:50.4) ng Region I (Ilocos).
“Trust in God lang po at focus sa goal. Inspirasyon ko pong matulungan ang parents ko,” sabi ni Tajarros na pangarap makapaglaro sa Olympic Games.
Nakatakda pa siyang tumakbo sa 1,500m run sa Huwebes para sa hangad na back-to-back gold.
Samantala, inangkin nina Sam Garcia ng Region IV-A (Calabarzon) ang ginto sa elementary girl’s discus throw sa inihagis na 33.97m at Khint Gimarangan ng Region X (Northern Mindanao) sa kanyang 5.50m sa elementary boys’ long jump.
Panalo rin ng gold sina Courtney Jewel Trangia ng Region V (Bicol) sa secondary girls’ discuss throw (36.72m) at Efosa John Paul Aguinaldo ng Region VIII (Eastern Visayas) sa secondary boys’ long jump (6.90m).
Sa swimming, 27 gintong medalya ang pag-aagawan sa Day One.
Lumangoy ang mga NCR tankers ng 21 golds, 20 silvers 22 bronzes kasunod ang mga Calabarzon na may 21 golds, 11 silvers at 10 bronze noong nakaraang taon sa Cebu City.
Humakot si Micaela Jasmine Mojdeh ng anim na ginto habang may pito si Albert Jose “TJ” Amaro II para sa Calabarzon.
