Eala tututok na sa French Open doubles


MANILA, Philippines — Hindi pinalad si Alex Eala sa women’s singles ng 2025 French Open na ginaganap sa Paris, France.

Maagang nasibak ang 20-anyos Pinay netter matapos umani ng 0-6, 6-2, 3-6 desisyon sa kamay ni Colombian Emiliana Arango sa first round.

Maasim ang simula ni Eala na nagtala ng kaliwa’t kanang errors sa first set dahilan para hindi ito makaporma sa agresibong laro ng Colombian netter.

Subalit matikas ang resbak ni Eala sa second set na nagpakawala ng matatalim na baseline attacks at magandang court coverage para maitabla ang laro sa 1-1.

Iyon na lamang ang nakayanan ni Eala matapos muling maglatag ng solidong laro si Arango sa third frame para tuldukan ang ratsada ng Pinay netter.

Ito ang ikalawang beses na natalo si Eala kay Arango.

Matatandaang yumuko si Eala kay Arango sa qualifying round ng Miami Open noong nakaraang taon sa iskor na 6-2, 5-7, 1-6.

Ilalaan na ni Eala ang buong lakas nito sa wo­men’s doubles kung saan umaasa itong magkakaroon ito ng magandang kampanya.

Makakapares ni Eala si Renata Zarazua ng Mexico.

Target nina Eala at Zarazua na umabante sa secong round sa pagharap nito kina Marta Kostyuk ng Ukraine at Elena-Gabriela Ruse ng Romania.

Nakatakda ang laban nina Eala at Zarazua at Kostyuk at Ruse sa Miyer­kules sa alas-5 ng hapon (oras sa Maynila).

“There’s so many high tension moments in tennis, but I do my very best to really keep my emotions in check and just carry myself well because even though I’m doing it for myself, it’s a personal journey, a lot of people watching will see me as a reflection of our people,” ani Eala.