Lovi, buntis na! | Pilipino Star Ngayon


Dalawang reliable source na namin ang nagkumpirma na nagdadalangtao na raw ngayon si Lovi Poe.

Ang ikinagulat namin ay pitong buwan na raw ang nasa sinapupunan ng aktres, kaya ang ibig sabihin nito ay nung rumampa siya sa Bench Body of Works fashion show ay buntis na pala siya.

Maliit lang kasi siya, kaya puwedeng maliit lang talaga siyang magbuntis.

Pero nagso-shoot pa ang aktres ng pelikulang pino-produce ng film production niyang C’est Lovi. Ito ‘yung The Sacrifice na sinulat ni Jerrold Tarog at dinirek ni Prime Cruz.

Sa Quezon sila nagso-shoot at napapansin pa nga raw doon ng ilang production staff na ang saya-saya niya roon, na kumakanta at nagsasayaw pa raw si Lovi sa sapa.

Medyo marami nga raw problema ang production nila roon, pero ang saya-saya lang daw ng aktres.

Kinontak namin ang kampo ni Lovi pero wala raw silang alam sa tunay na kalagayan ng aktres.

Nakatutok kasi ito sa kanyang film production kaya wala raw silang update tungkol sa sinasabing pagbubuntis ng aktres.

Pero siyempre, hintayin na lang natin ang kumpirmasyon mula mismo kay Lovi Poe.

Nung huling nakapanayam namin siya sa story conference ng The Sacrifice, sinabi naman niyang handa na siyang maging nanay kung sakaling biyayaan na raw sila ng Panginoon.

Pero hindi naman niya sinabi sa aming buntis na pala siya.

Kasi kung totoo ngang pitong buwan na ang kanyang dinadala, ibig sabihin, buntis na siya nung huling naming tsikahan.

Freddie Aguilar pumanaw, na-cardiac arrest

Maaga pa lang ay may nagparating na sa amin tungkol sa malungkot na balitang pumanaw na ang OPM Icon na si Freddie Aguilar.

Ayon sa napagtanungan namin sa Philippine Heart Center na, halos isang linggo na raw na naka-confine si Ka Freddie dahil sa kidney failure. Dapat ay i-schedule na raw siya ng dialysis, pero hindi na rin umabot dahil na-cardiac arrest na raw ito.

Hinintay lang ang official announcement ng pamilya, pero ang nagkumpirma nito sa media ay si Atty. George Briones ng Partido Federal ng Pilipinas o PFP.

Dating national executive vice president pala ng grupong ‘yun si Ka Freddie.

Ang sabi pa ng ilang napagtanungan namin, nagkaayos naman daw sila ng kanyang anak na si Megan Aguilar bago ito pumanaw.

Bukas naman sa publiko ang isyu nila noon, pero matagal na ‘yun at naging okay naman daw ang mag-ama.

As of press time, wala kaming nakuhang impormasyon tungkol sa detalye ng kanyang burol.

Ang sabi lang sa amin, inaayos pa raw nila dahil Muslim pala si Ka Freddie kaya kailangan daw niyang ilibing within 24 hours.

Maraming pinasikat na awitin si Freddie Aguilar na nakilala sa awiting Anak. Kaya itinuring na rin siyang icon sa malaking naiambag nito sa music industry.

Nakikiramay po kami sa pamilyang naiwan ni Ka Freddie Aguilar.