FEU, Chiang Kai Shek humataw ng panalo sa SGVIL


MANILA, Philippines — Winalis ng Far E­astern University-Diliman ang University of the Philippines Integrated School, 25-9, 25-12, sa Division 1 sa opening ng 2025 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup kahapon sa La Salle Green Hills gym Court 2.

Pumalo si Ifunanya Udaegbala ng pitong puntos para pamunuan ang Lady Baby Tamaraws sa kanilang panalo sa Pool D ng pinakamalaking grassroots volleyball league na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.

Nag-ambag ng tig-anim na marka sina Aleah Devosora at Aliah Ona habang may tatlong service ace si setter Sheena Café.

Sa Pool B, pinadapa ng Chiang Kai Shek College ang Bethel Academy, 25-15, 25-22, tampok ang 11 points ni Shamira Pantoja.

Umiskor din ng panalo ang Lyceum University at Arellano University.

Wagi ang Junior Lady Pirates sa University of Perpetual Help System Dalta, 25-18, 25-21, sa Pool A, habang tinakasan ng Lady Braves ang Kings’ Montessori School, 25-19, 16-25, 27-25, sa Pool C.

Tagum­pay din ang La Salle Green Hills at Domuschola International School sa Division 2 ng torneong itinataguyod ng Mikasa, Asics, Team Rebel Sports, Belo Deo at Smart.

Dinaig ng Greenies ang Assumption College-San Lorenzo, 25-13, 25-11, sa Pool E habang nilusutan ng DIS ang St. Theresa-Quezon City, 13-25, 25-20, 29-27, sa Pool F.