SEABA elims na-sweep ng Gilas Youth


MANILA, Philippines —  Nakumpleto ng Gilas Youth ang matamis na sweep sa eliminasyon ng FIBA U16 Asia Cup SEABA Qualifiers na ginaganap sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.

Isinama ng Gilas Youth ang Malaysia sa listahan ng mga nabiktima nito matapos ipako ang 96-61 demolis­yon para maging maganda ang momento nito bago sumalang sa finals.

Sa kabila ng panalo, hindi kuntento si Gilas Youth head coach LA Tenorio sa ipinakita ng kanyang bataan matapos magtala ng 20 turnovers na kailangan nitong masolusyunan bago ang finals.

“Our turnovers (20), even though we won that much and had 27 assists, still it’s our mistakes that concerns me,” ani Tenorio.

Walang nakikitang problema si Tenorio sa scoring department dahil shooters ang mga miyembro ng Gilas Youth.

Anim na miyembro ng Gilas Youth ang nagtala ng double digits tampok ang tig-15 puntos na nagawa nina Travis Pascual at Jeremiah Antolin.

Kumana naman ng 14 si Evereigne Cruz habang may 13 puntos at 11 rebounds si Prince Carino, at tig-10 puntos sina Luisito Pascual at Mark Lumagub.