PSC, POC magsasanib-puwersa | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Magsasanib-puwersa ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) upang mas lalo pang mapaganda ang programa para sa Philippine sports.

Kaya’t asahan na mas magiging solido ang takbo ng sports sa bansa sa susunod na buwan at taon.

Ito ay matapos maitalaga bilang bagong chairman ng PSC si Patrick “Pato” Gregorio.

Pinalitan ni Gregorio si dating PSC chairman Richard Bachmann.

Kaya naman masaya si POC president Abraham “Bambol” Tolentino dahil magiging maganda na ang samahan ng dalawang pangunahing sports agencies sa bansa.

“Our gratitude to our beloved President [Ferdinand R. Marcos Jr.],” ani Tolentino.

Pormal nang inihayag ng Malacañang ang pagtatalaga kay Gregorio sa PSC sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

“The POC and PSC can now move forward—a brighter sports community that works harmoniously. Mabuhay ang sports ng Pilipinas,” dagdag ni Tolentino.

Si Gregorio ang ika-13 chairman ng PSC sapul nang buuin ito noong 1990 sa pamamagitan ng Republic Act 6847.

Mahaba na ang pinag­samahan nina Tolentino at Gregorio sa Philippine sports.

Nakalinya si Tolentino sa chess, shooting, muay at cycling bago maging POC president habang si Gregorio naman ay nasa basketball, boxing at basketball at kasalukuyang president ng rowing association.

Noong 2018, si Tolentino ang chairman ng POC habang si Gregorio naman ang secretary-general noong mga panahon na iyon.

Itinalaga ni Tolentino si Gregorio bilang chef de mission ng Team Philippines sa Paris Olympics.

Nagsanib-puwersa din sina Tolentino at Gregorio sa pagdaraos ng katatapos na “Great Revival”  Tour of Luzon.”

“Finally, unity,” ani Tolentino.