Xyriel, may namana kay Big Brother


Si Xyriel Manabat ang Kapamilya housemate na na-evict mula sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition noong Sabado. Lubos ang pasasalamat ng aktres sa mga sumuporta sa kanya habang nasa loob pa ng bahay ni Kuya. “Salamat dahil pinag-stay n’yo ako ng a little longer sa in-expect ko. Kasi to be honest, akala ko talaga one week lang ako. Tapos mapapaaway na ako, tapos mapo-force evict na ako (dahil) sa bunganga ko. Pero, I stayed for more than a month. Thank you, guys. Mahal ko kayo,” nakangiting bungad ni Xyriel.

Umaasa ang dating child star na patuloy pa rin siyang susuportahan ng mga tagahanga ngayong nasa labas nang muli upang gumawa ng mga proyekto. “Sana after (PBB), love n’yo pa rin ako. Sana hindi magbago ‘yung isip n’yo as a supporter. Mag-iingay tayo lalo dito sa labas at magkita-kita tayo kapag may time,” paglalahad ng Kapamilya actress. 

Maraming mga bagay ang natutunan ni Xyriel sa mahigit isang buwan na pananatili sa PBB house. Umaasa rin ang dalaga na magsisilbing inspirasyon sa mga manonood ang kanyang mga ipinamalas sa loob ng bahay ni Kuya. “Sana nakapulot kayo ng maraming aral and mara­ming kwento. Mga leksyon na dadalhin n’yo sa pang-araw-araw n’yo na buhay. Hindi ako si Kuya pero grabe ang words of wisdom ko ‘no? Medyo namamana ko na ‘yon sa kanya,” masayang pagtatapos ng dalaga.

Jolina, na-inspire ni Marvin upang maging producer

Napapanood na ngayon sa Netflix ang pelikulang Ex ExLovers na pinagbibidahan nina Jolina Magdangal at Marvin Agustin. Unang napanood sa mga sinehan noong Pebrero ang naturang proyekto. Bukod sa pagiging pangunahing mga bida ay nagsilbing mga prodyuser din sina Marvin at Jolina ng sariling pelikula. “Ito first time ko mag-try ‘yung sa pag-produce kasi na-inspire ako kay love team (Marvin),” nakangiting pahayag ni Jolina sa Bida/Bida episode ng Netflix.

“Ang sarap kasi kapag nagsama-sama ‘yung mga magkakaibigan sa industriya dahil alam namin kung gaano kahirap gumawa ng pelikula ngayon, kung gaano siya kalaking risk. So, kaya nga as much as possible in ways na makakasuporta ka, manood ka man ng sine na ‘yon, ma-promote mo through your social media, tulungan,” paglalahad naman ni Marvin.

Maraming taon ang lumipas bago pa muling nagkapagtambal sina Jolina at Marvin sa isang pelikula. Masayang-masaya ang dalawa dahil maganda ang kinalabasan ng kanilang reunion movie. “Matagal nanaming gustung-gusto. We’ve been talking about it. Gustung-gusto namin talaga. Naghahanap kami ng magandang project na pwede naming gawin, na pwede naming ipagmalaki. Promise ko sa kanya na gagandahannamin ‘yung comeback movie namin so nakatutok ako. Kasi malinaw ‘yung gusto namin. Gusto namin ng light, 90s vibe. And siyempre medyo may kabataan ‘yung writers namin no’n parang hindi nila mahanap ‘yung timpla ng 90s rom-com. So sabi namin ganito, ang ganda naman ng pinuntahan. Kasi ‘yung mga napapanahon na masarap pag-usapan sa pelikula, nailagay siya in a rom-com na 90s,” pagbabahagi ng aktor.

“Basta ito kaya natuloy kasi umabot na 10th draft (ang script). Dream project namin ito ni love team,” dagdagnaman ng aktres. — Reports from JCC