Buti naman at suspended ang pagre-rebuild ng EDSA.
Salamat naman kay Pangulong Bongbong Marcos at nagdesisyon siyang iurong muna ito.
Kasi naman hindi ang EDSA ang may problema, ang maraming sasakyan ngayon.
Sa totoo lang ang dami-daming kotse ngayon kaya grabe ang traffic eh hindi naman lumalapad ang ating mga kalsada, kaya talagang gagrabe ang traffic.
Sa tanda kong ito wala akong napansing nadagdagan ang ating kalsada o lumawak ito pero ang kotse patuloy ang pagdami ng mga sasakyan kaya nga tingnan mo pati mga kalsada natin ang sikip na rin kasi walang parking ‘yung iba kaya sa kalsada na lang nagpa-park.
Saka alam naman natin na ‘yung mayayaman ‘di ba nangongolekta ng kotse na wala namang masama dahil may parking sila.
At ‘yun sana ang magkaroon ng batas, na kung wala kang parking, hindi ka pwedeng magkotse.
Oo naman at karapatan ng lahat na magkaroon ng sariling sasakyan, pero ibang usapan kung wala kang paparkingan bukod pa sa dumarami talaga ang kotse sa kalsada natin dahil sa color coding.
Saka ang motorsiklo, grabe.
Ang dami nila. Sabi nga ni Salve mas marami na ang gumagamit ng motor sa bansa kesa sa Vietnam na parang motorcycle capital.
Ngayon parang ang bansa na natin ang may pinakamaraming nagmo-motor. Kakaloka.
Hay naku sana nga ay magkaroon ng solusyon ang grabeng traffic sa ating bansa.
Ako sa totoo lang, natanggap ko na ganun ang ating bansa.
Na parte na ng buhay natin ang traffic. Kaya pag na-traffic ako, hindi na umiinit ang ulo ko, ini-enjoy ko na lang, people watching, o kaya naman ay nagi-Instagram ako.
At ‘yun ang aking masasabi sa EDSA na wala namang kinalaman sa showbiz.
