MANILA, Philippines — Ang back-to-back wins at pagpapatibay sa tsansa sa top four spot ang hangad ng Rain or Shine sa pagsagupa sa talsik nang Terrafirma sa PBA Season 49 Philippine Cup.
Haharapin ng Elasto Painters ang Dyip ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang bakbakan ng mga talsik nang Phoenix Fuel Masters at NorthPort Batang Pier sa alas-7:30 ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Magkasosyo sa liderato ang Magnolia at NLEX sa pareho nilang 7-2 record kasunod ang San Miguel (6-2), Ginebra (6-3), TNT Tropang 5G (5-3), Rain or Shine (5-3), Converge (6-4), Meralco (6-5), Phoenix (2-7), NorthPort (1-7), Blackwater (1-7) at Terrafirma (1-8).
Umiskor ang Elasto Painters ng 109-99 panalo sa Fuel Masters, habang bagsak ang Dyip sa isang eight-game losing slump kasama ang 103-117 kabiguan sa FiberXers.
Ayon kay Rain or Shine coach Yeng Guiao, hindi sila magkukumpiyansa sa Terrafirma na nagtala ng isang 18-point lead sa Converge bago kinapos sa fourth period.
“Bilin ko sa team it’s always dangerous playing a team na walang pressure. They might be trying to have a good account of themselves before they bow out so it’s always dangerous,” ani Guiao.
Makukuha ng Elasto Painters ang isang silya sa top four na magbibigay sa kanila ng ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals kung mawawalis ang huling tatlong laro sa eliminasyon.
Matapos ang Dyip ay sunod nilang lalabanan ang San Miguel Beermen sa Sabado at ang Ginebra Gin Kings sa Hunyo 15.
