Kulturang sugal | Pilipino Star Ngayon


GAWIN mang ilegal ang pagsusugal, hindi maaawat ang mga sugarol sa bisyong ito. Ngunit kung sa layuning nag­kamal ng revenue ay itataguyod pa ito ng pamahalaan, aba, bad iyan, very, very bad.

Ang tinutukoy ko ay ang mga e-gambling na laganap na laganap­ ngayon at pati mga kabataan ay nahuhumaling dito. Sa Mababang Kapulungan, pinagtibay na ang bill na nag­ba­bawal sa e-sabong.

Pero hindi lang sabong ang nasa online kundi marami pa gaya ng bingo at slot machine na dapat ding ipagbawal. Dumarami ang mga tumatangkilik dito.

Sari-saring sugal ang matatagpuan online na kinalolokohan ng mga mananaya. Sa halagang P300 ay puwede kang manalo ng sampung libong piso o higit pa. Kaso, may permiso na ang mga iyan na mag-operate kaya ‘di na puwe­deng mapigil.

Ang pakinabang ba na makukuha ng pamahalaan ay sulit sa pinsalang idudulot nito sa tao? Marami nang mga tao ang nawasak ang buhay at naghirap dahil sa sugal. Pinayagan ng pamahalaan ang POGO na pinag-ugatan nang napakaraming krimen.

Hindi katwiran na porke hindi mapigil ang mga tao sa pagsusugal ay kukunsintihin na at susuportahan ito ng pamahalaan. Kung iyan ang katwiran, edi gawin na ring legal ang droga para lalong kumita ang pamahalaan?

Ang masama ay masama at bahagi ng responsibilidad ng pamahalaan na protektahan ang taumbayan laban sa masama.