NUNS vs Tay Tung para sa SGVIL title


MANILA, Philippines — Itinakda ng National Uni­versity Nazareth School at Bacolod Tay Tung ang ‘winner-take-all’ champion­ship match sa 2025 Sha­key’s Girls Volleyball Invita­tional League (SGVIL) Ri­sing Stars Cup Division 1 sa La Salle Green Hills Gym.

Dinaig ng Lady Bullpups ang Emilio Aguinaldo College, 25-16, 25-15, 25-11, ha­bang tinalo ng Thunder­bolts ang De La Salle-Lipa, 25-20, 25-15, 25-18, sa semifinals kahapon.

Mag-aagawan ngayon ang NUNS at Bacolod Tay Tung para sa korona ng SGVIL matapos magharap sa gold medal round ng nakaraang 2025  Ilocos Norte Pa­larong Pambansa sa pi­nakamalaking grassroots volleyball league sa bansa na suportado ng Shakey’s Piz­za Parlor, Peri-Peri Char­coal Chicken, Potato Cor­ner and R at B Milk Tea.

Humataw si Sam Cantada, ang reigning UAAP MVP, ng game-high 20 points para pamunuan ang panalo ng Lady Bullpups sa Lady Bragadiers.

Nagdagdag si Harlyn Ser­neche ng 11 points, ha­bang may 10 markers si Denesse Daylisan para sa NUNS na nakahugot kay setter Rihanna Navarro ng 14 excellent sets.

Pinamunuan ni Angel Perez ang EAC sa kanyang 13 points.

Sumandal naman ang 2024 runner-up Bacolod Tay Tung sa 18 points ni Rhose Almendralejo patu­ngo sa kanilang ikalawang sunod na championship appearance.

Nag-ambag si Alexa Ber­tolano ng 10 markeres at may walong marka si Donna Mae De Leon para sa Thunderbolts.