SA pakikipag-usap ko sa mga kaibigan, nalaman kong marami ang may maling paniniwala tungkol sa dahilan ng pagtaba. Alamin kung ano ang tunay na dahilan:
1. Nakatataba ba ang pag-inom ng malamig na tubig? Hindi. Hindi nakatataba ang tubig, malamig man o mainit. Walang calories ang tubig. Hindi tunay na nakalalaki iyan ng bilbil. Sa katunayan ay nakapapayat ang tubig.
2. May inumin ba na nakakapayat? Isa lang ang nakakapayat. Ito ay ang tubig. Kaya umiwas na sa lahat ng mga juices, iced tea at soft drinks. Nakatataba masyado ang mga juices tulad ng pineapple juice, energy drinks, at bottled teas.
3. Nakatataba ba ang pagtulog sa hapon? Hindi nakatataba ang tulog. Puwedeng matulog sa hapon o sa gabi. Ang nakatataba ay ang pagkain ng sobra.
4. Bakit lumalaki ang aking bilbil? Kapag nagkakaedad (lampas 30-40 years old), mas lumalaki ang bilbil dahil bumabagal ang ating metabolism. Sa mga mas bata, kahit kumain sila ng marami ay hindi gaano tumataba dahil aktibo sila at mabilis pa ang kanilang metabolism.
5. Lumaki ang aking bilbil pagkapanganak. Puwede ba ako mag-ehersisyo? Sa mga bagong panganak o bagong Caesarian, magtanong muna sa inyong OB-gyne kung puwede na mag-ehersisyo. Kadalasan ay kailangang maghintay ng anim na linggo bago mag-umpisa ng magaan na ehersisyo.
6. Puwede ba ang slimming tea o pills? Hindi po maganda ang pag-inom ng slimming tea o diet pills. Karamihan nito ay may halong pampadumi at ikaw ay magtatae. Puwede kang maubusan ng sustansya sa katawan at bumagsak ang potassium sa dugo. May namamatay sa sobrang baba ng potassium. Puwede rin atakehin ng high blood at nerbiyos ang mga umiinom nito.
7. Puwede ba ako kumain ng prutas kahit gaano kadami? Hindi. Limitahan din ang pagkain ng prutas. Hindi ninyo alam pero nakatataba ang mangga, ubas at pineapple kapag nasobrahan ang iyong nakain. May fructose ang prutas na nakatataas din ng blood sugar. Sa bawat pagkain, isang pisngi lang ng mangga, o 10 na piraso ng ubas lang ang dapat kainin. Ang mansanas at peras lang ang magandang pampapayat.
***
Tips para lumiit ang bilbil
1. Uminom ng isang basong tubig bago kumain. Nakabubusog ang tubig at mas kaunti ang iyong makakakain.
2. Kumain ng mas madalas pero kaunti lamang. Ang isang saging o mansanas ay puwedeng pang-meryenda na.
3. Bawasan ang pagkain ng kanin. Kung dati-rati ay dalawang tasang kanin, gawin na lang isang tasang kanin.
4. Kumain ng mas mabagal. Kapag mabagal ka kumain, mas mararamdaman mo ang pagkabusog at mababawasan ang iyong makakain.
5. Mag-ehersisyo ng tatlo hanggang apat na beses kada linggo. Subukang mag-aerobic exercise ng 30 minutos hanggang isang oras.
6. Palakasin ang masel sa tiyan. Mag-aral ng mga ehersisyo para lumakas ang tiyan, tulad ng stomach crunches.
7. Magkaroon ng tamang posture. Huwag maging kuba sa pag-upo at pagtayo.
8. Umiwas sa matatamis na inumin tulad ng soft drinks, iced tea at juices. Nakatataba ito at nakakadagdag sa laki ng bilbil.
9. Kumain ng almusal araw-araw. Kapag hindi ka nag-almusal, mas gugutumin ka pagdating ng tanghalian at mapaparami ang iyong makakain.
10. Bawasan ang pag-inom ng alak at beer. Nakalalaki iyan ng bilbil.
11. Bawasan ang pagkain ng maaalat. Ang asin at alat ay nagdudulot ng pagmamanas ng katawan.
12. Kumain ng dalawang tasang gulay at dalawang tasang prutas araw-araw. Umiwas sa matataba at mamantikang pagkain.
13. Maglakad ng madalas at umakyat ng isa o dalawang palapag ng hagdanan.
14. Bawasan ang stress at matulog ng sapat.
15. Maging masipag. Ituloy lang ang mabuting pamumuhay at regular na ehersisyo para hindi lumaki ang bilbil.