MANILA, Philippines — Matapos ang dalawang sunod na kabiguan ay napasakamay na rin sa wakas ng National University Nazareth School ang 2025 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup Division 1 crown.
Hindi na pinakawalan ng Lady Bullpups ang pagkakataon na makopo ang titulo nang talunin ang Bacolod Tay Tung, 27-25, 16-25, 21-25, 30-28, 15-13, sa “winner-take-all” match ng pinakamalaking grassroots volleyball league sa bansa na sinuportahan ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
“Aminado naman ako na mas sweeter siya kasi una ilan ‘yung graduating players namin. So thankful ako sa kanila na nag-exit sila na champion sa mga last tournament namin,” ani NUNS coach Karl Dimaculangan na siya ring humawak sa NU Lady Bulldogs sa pagrereyna ng tatlong sunod sa Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship noong 2022.
Sinandigan ng Lady Bullpups, nagkampeon sa UAAP, si tournament MVP Sam Cantada para muling talunin ang Thunderbolts noong Sabado sa La Salle Green Hills Gym.
Nauna nang tinalo ng NUNS ang Bacolod Tay Tung para sa gold medal ng 65th Palarong Pambansa sa Ilocos Norte.
“Isang factor ay ‘yung pagod na rin. For almost two weeks same with Tay Tung, na two weeks diri-diretso ang game, talagang ‘yung puso na lang ng mga players (ang lumabas) para manalo,” dagdag ni Dimaculangan sa torneong sinuportahan din ng Mikasa, Asics, Team Rebel Sports, Belo Deo at Smart.
Nagpaputok si Rhose Almendralejo ng tournament-best 35 points sa panig ng Thunderbolts.
Isang record-setting 30 teams mula sa Metro Manila at iba pang rehiyon kasama ang 10 sa Division 2 contest ang lumahok sa torneong inorganisa ng Athletic Events and Sports Management Inc. (ACES).
“What started in 2023 as a modest GVIL family of 16 girls’ high school teams, has blossomed into the 30-team GVIL community,” wika ni ACES chairman Philip Ella Juico.
Hinirang si Almendralejo bilang Best Outside Hitter at ginawaran din ng awards ang kanyang mga teammates na sina Amor Bartolome (Best Middle Blocker), Jan Rose Bulak (Best Setter) at Rhea Tomas (Best Libero).
Si Harlyn Serneche ng NUNS ang kinilalang Best Opposite Hitter.
Samantala, tinalo ng Domuschola International School ang Everest International Academy, 25-11, 26-24, 25-17, para pagreynahan ang Division 2.
