MANILA, Philippines — Hindi maawat si eight-division world champion Manny Pacquiao na puspusan na ang paghahanda para sa kanyang comeback fight sa Hulyo 19 laban kay reigning World Boxing Council champion Mario Barrios sa Las Vegas, Nevada.
Tuluy-tuloy ang training camp ni Pacquiao sa Wild Card Gym kasama sina trainer Buboy Fernandez at American coach Freddie Roach para masiguro na nasa magandang kundisyon ito.
Sumasalang si Pacquiao sa ilang magagaan na workout habang may running session din ito sa umaga kasama ang kanyang buong team.
Inaasahang mas titindi pa ang pagsasanay ni Pacquiao sa mga susunod na linggo upang maibalik ang bagsik ng kanyang kamao.
Ilang taon ding natigil si Pacquiao sa professional boxing kaya’t desidido itong muling makuha ang 100 porsiyentong bangis nito sa ibabaw ng ring.
Matatandaang noong 2021 pa ang huling professional fight nito kung saan natalo ito kay Cuban Yordenis Ugas via unanimous decision para bitawan ang WBA belt nito.
Sumalang naman sa ilang exhibition match si Pacquiao. Subalit iba ang exhibition kumpara sa totoong boxing fight.
Hindi biro ang papasukin ni Pacquiao dahil ilang taon itong napahinga at mas bata ng di hamak ang makakalaban nito sa ngalan ng 30-anyos na si Barrios.
Pero walang nakikitang problema si Pacquiao dahil gigil na gigil itong muling bumalik sa ring at aminado itong namiss nito ang ganitong uri ng laban.